Mainam na nagkataong malakas ang ulan pagpunta namin sa PETA. Mainam din na kasabay naming manood ay mga estudyanteng required. (Nung bumili ako ng ticket, tinanong ako kung saang unibersidad o eskwelahan ako galing. Sabi ko, wala lang, walk-in.)
Mistulan ding isang modern adaptation ng mga nobela ni Jose Rizal ang dula. Nais kong bigyang diin ang salitang "din". Nagsimula ang dula sa isang unos, na sa Noli Me Tangere ay syang huling pangyayari na binuild-up kasabay ng unos sa buhay ng mga bida nito. Batay sa ibang mga blogger ay batay din ang dula sa isang totoo at malalang unos noong 2002.
Isang malaking "what if" sa characterization ng dula. What if sa panahon natin nabuhay si Ibarra? Saan sya mag-aaral ng kolehiyo? Angkop naman na kung nabuhay ngayon si Elias ay mamumundok sya. Nakakaintrigang isipin kung bakit naging isang bruskong sundalo si Salvi sa bersyong ito. Dahil na rin sa panahong ito, mas malinaw na kalaban ng taumbayan ang administrasyon at ang mga sundalo nito kaysa sa simbahan.
Medyo naging telling ang dula lalo na noong huling mga eksena kung saan sinabi ni Ibarra na mamatay syang parang si Rizal at si Elias ay maitutulad kay Bonifacio. Kung gayong kilala ng uniberso ng dula ang may akda ng nobela, kilala din nila ang nobela at na sila rin ay gaya ng mga tauhan dito.
Magaling ang pagtatanghal. Maganda ang props at set design, lalo na noong unang eksena kung saan may bagyo. Mapapapakapit ka rin sa upuan dahil sa aksyon. Maraming barilan na makokotahanan. Para ka ngang nadamay sa isang aktwal na shoot-out o kaya'y nanood ng mga 90's action films nang 3D. Kasali na rin dun ang mga dialogo at delivery na sumasaysaw sa gitna ng cliche at iconic gaya ng "Lintik lang ang walang ganti!!!".
Magaling ang mga aktor. Lahat sila. Lalo na dahil sa karamihan sa kanila ay gumanap sa 2 o 3ng mga karakter na malaki ang pagkakaiba mula sa isa't-isa. Malalaman mo nalang sa dulo ng dula na sila rin pala ang gumanap sa karakter na iyon o sa karakter na ito.
Naglaro din ang dula sa paghahalo ng ibang medium gaya ng video. Mainam ang mga ganito upang makalikha ng bago mula sa mga nagdaan nang konsepto at paraan. May ilang bahagi lamang na parang masyadong nang nakasentro ang eksena sa video gaya nang pagtatanghal ng mga estudyante ni Mr. Tacio. Naging manonood na rin lang ang mga karakter sa dula at ang video mismo ay masyadong maganda para masabing gawa ng mga studyante. Isa pa, mataas ang video at masakit sa leeg tumingala.
Gayunpaman, malinaw ang mensahe ng dula at nagtagumpay ang execution nito mula sa pagiging modernong text na base sa dalawang nobelang sinasabing nagsimula ng diskurso ng iba pang nobela sa bansa hanggang sa pagiging isang buhay na pagtatanghal ngayon.
Sunday, July 19, 2009
Noli At Fili Dekada 2000 - Isang Rebyu
Simula ngayon, may dalawa na po tayong manunulat dito sa Proletartist para makapag-hatid ng maiinam na rebyu o kritisismo sa mga dulang pinanood at papanoorin namin. Ang isa ay ang inyong lingkod, isang programmer na nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Makati. At ang bago ay si mumblingmaya , isang manunulat na nagtatrabaho sa Libis. Kung minsan ay sabay kaming manood ng mga dula, sa mga ganitong pagkakataon, maaaring parehas kaming mag bigay ng rebyu sa dulang iyon, basta magsusulat kami ng mga pananaw sa mga napanood naming mga dula.
Kamakailan lamang ay nakapanood kami ni mumblingmaya ng Noli At Fili Dekada 2000 ng PETA. Ang nasabing dula ay isang kontemporaryong bersyon ng mga obra ni Jose Rizal. Ang mga karakter at tema ay parehas din, maliban na lamang sa iilang tauhan tulad ni Salvi na sa bersyon ng PETA ay isa nang colonel.
NOLI AT FILI DEKADA 2000
ni Nicanor Tiongson
sa direksyon ni Soxie Topacio
Nakakatuwa at na-tsempo ulit na Sabado ang unang pagpapalabas ng Noli at Fili Dekada 2000. Kasama ko si mumblingmaya sa pagpapanood gawa ng miss na namin ang teatro, at ako'y isang manghahanga ng PETA. Marami nang magandang produkto ang PETA, at sa lahat ng iyon, maganda din ang hangarin ng nasabing grupo. Kaya nama'y kahit na may konting ulan, diretso kami sa 3PM na palabas.
Synopsis
Mula sa PinoyCentric.com:
Kung ginawa ngayon ni Jose Rizal ang kanyang dalawang nobela ngayon, ano kayang isyu ang kanyang ipapakita? Sa modernong lipuna, sino kaya si Ibarra at Maria Clara? Sino kaya ang kaparehas ng mga kontra-bidang sina Padre Salvi at Padre Damaso, at ang mga tauhang sila Elias, Pilosopong Tasyo, Basilio, Isagani, at Padre Florentino? Ang kanyang ikalawang nobela kaya ay magtatapos sa paraang nag tapos ito noong isinulat niya ang El Fili noong 1891?
Ang Noli at Fili Dekada 2000 ay nakapwesto sa isang maliit na munisipyo ng Maypajo sa probinsya ng San Lorenzo sa may Katagalugan kung saan ang isang ideyalistiko pero bata pang si Ibarra Marasigan, isang bagong halal na mayor, ay nagdesisyong tapusin na ang pag-totroso sa Sierra Madre. Nakahanap siya ng tapat na suporta mula kina Padre Ino, isang pari sa Parokya ng Maypajo, G. Atanacio, ang prinsipal sa Maypajo Highschool, Kapitan Badong, ang chief ng lahat ng barangay chairman sa Maypajo, at, higit sa lahat, ni Clarissa Santos, ang kanyang kababata at ngayon ay aasawahin.
Pero, habang maraming ginawang hakbang si Ibarra laban sa ilegal na pagtotroso, may mga natuklasan siyang isang napakalalim na korapsyon, na dinadamay ang kanyang magiging manugang na si Gov. Santiago Santos, ang Command Colonel Salvador Salvatierra, at Monsignor Damaso, ang bishop sa bagong diocese ng San Lorenzo. Sa kinalaunan, gawa ng mga ito, natanggal si Mayor Ibarra gawa ng "people power," na-blackmail si Clarissa para pakasalan si Salvi, at ang kanyang kababatang kaibigan na si Kumander Elias ng National Liberation Army (NLA) ay namatay habang nililigtas si Ibarra mula sa kulungan.
Mas detalyadong synopsis dito.
Istorya
Nagbukas ang entablado sa isang delubyo. Hindi delubyo mula sa produksyon, o kwento, o pag-arte ng kahit sino man. Delubyo sa entablado. May bagyo. May baha. Totoong bagyo. At mga tao na nalulunod. May nanay na namatayan ng sanggol, may lalakeng nalunod ang kapatid, may lolo na di na humihinga. Ngunit ang pag presenta nila sa mga premise ng kwento ay isang oratoryo. Oratoryo habang dinedelubyo. At dun pa lang, may hinala na ako sa kwentong matutunghayan, at bigla akong na-excite.
Shakespearean ito mga kapatid.
Malamang sa malamang ay mali ako o isang asumerang palaka. Pero yun yung nadama ko sa buong dula. Kaya kahit na nagiging melodramatic na ang ilang mga eksena (Aba'y nakulung na nga't biglang mamamatay ang sinta. Haha. Sikret na lang kung sino yun, unless memoryado niyo ang Noli at Fili), na-aappreciate ko. Kasi nga, ma-layer ang isang istoryang ganon ang nature. At ang ganda ng pagkatagpi-tagpi ng buong istorya.
Kaya ko naman nasabing Shakespearean ang kwento ay dahil sa mga elementong ginamit ng manunulat: Ang oratoryo sa simula; mga dayalogong mas mainam na naka-address sa mga manunuod; multi-layered na plot; nakakapang-edge-of-the-seat action sequences; at ang mala-oratoryong pagtatapos. Di ako nag-rereklamo dito, malayo pa sa pagrereklamo, kundi pumapalakpak pa ako sa buong konsepto nag-pagkakontemporaryong Shakespeare ng dula.
Maganda ang daloy, maayos ang karakter development ng mga tauhan. Maganda ang pagpalit ng trabaho ni Padre Salvi -> Colonel Salvi (Robert Seña), mas nagkaroon ng lohika yung karakter. At mas mainam sa lipunan natin ngayon.
Kung meron man akong nais idagdag o bawasan, ito ay yung kakulangan ng foil sa buong istorya. Tila malalim at mabigat ang nais ipahiwatig ng istorya, pero yun nga, kulang sa foil. Isa pa rito ay yung may pagka-hardsell na leftist ang istorya. Wala akong reklamo sa leftist ideologies ng dula per se, pero kung mas maipapahiwatig mo iyon ng mas bago, mas maganda. Kasi tila gasgas na ang subversibong retorikang ginamit sa kanilang mga dayalogo.
Direksyon
Isa lang masasabi ko. Gamay na gamay ni Soxie Topacio ang konsepto ng build up. Ang husay husay ng pagkatagpi tagpi ng mga eksena. Nagawa ng maige ang pag-build up ng buong kwento, at na-angkin niya ang atensyon ng buong manunuod sa dula. Naririnig ko sa buong show ang mga hiyaw at tili ng mga tao sa mga panahong nag babarilan o kaya naman may nag aaway na malapit nang mamatay. May naririnig akong umiiyak gawa ng madamdaming eksena nila Ibarra at Clarissa (Ma. Clara).
Mainam din ang disesyong gawing thrust ang buong entablado. Nagkakaroon ng depth ang buong istorya, pati na rin ang paghati hati ng dimensyon ng isang lugar. Klaro ang paglalaro sa espasyo at sa bawat set. Pagdating sa blocking, parang pumipinta ng magandang painting si G. Topacio.
Naguluhan nga lang ako sa puntong papasabugin na ni Simone ang kasalan (Oh wag ireklamong spoiler! Alam naman nating lahat na papasabugin ni Simone ang kasal ng irog ni Isagani! haha). Tila malabo, at magulo ang entablado at hindi excuse na magulo nga naman ang pagpapasabog, kasi tila di alam nung mga tauhan yung gagawin nila.
Isa pang hinaing ko ay yung pagka-illogical nung mga action-sequence. Parang sloppy ang pagkaka-ayos at kelangan pa ng mas matinding pagpupulido, mas snappy. Kasi parang hindi trained fighters yung mga sundalong andun. Parang mga artistang umaarteng sundalo.
Artista
Sa mga artista, binunbod ng mga batikang artista ang dula. Na naramdaman kong parang dinaya ko ang PETA kasi 300php lang ang binayad ko. Dapat mga libo talaga, base lang sa mga artista. Sinong di mamamangha sa pagka-cast kay Bembol Roco, Robert Seña (Miss Saigon), John Deocareza, Lex Marcos, Julia Enriquez, Joel Molina, Bodjie Pascua at iba pa.
Mainam ang pagkaka cast sa mga karakter. Ang performance ni Robert Seña bilang Colonel Salvi ay maituturing na henyo. Ang galing ng pag depict niya sa isang abusive na asawa, at isang corrupt na opisyal.
Nakakatuwa pa nga kasi may special guest ang dula. Di ko sasabihin kung sino, pero nakakatuwa at lumabas siya. Mainam na parody.
Ang tanging hinaing ko lang ay yung pagkakulang sa development ni Crisostomo Ibarra. Di ko masyadong nakita ang development ng karakter niya. Lalo na yung pagkawala niya ng tiwala sa sistema (bago siya iligtas ni Elias sa kulungan). Kaya di ko alam yung naging motibo niya ng pagsali sa NLA.
Disenyo
Maganda yung entablado. Napaka... strategic, kasi ansayang paglaruan ng dimensyon ng entablado. Sa isang minuto ito ay isang poshparty, biglang magiging talahiban na may mga sundalong nanghahabol ng gerilya.
Pangkalahatan
Natuwa ako at na-experience ko ang Filipino take sa Shakespearean theater. Ang sarap ng pagkakaayos ng lahat, lohikal at swabe ang plot. Swabe na kahit na patong patong ang conflict at complications na kay dami dami, nakukuha pa rin ng audience, at may saysay ang bawat eksena.
Ang galing ng pagkatagpi tagpi ng dula, isang talentong nakukuha lamang sa tindi ng karanasan tulad ng kay Soxie Topacio.
Pero ang isang masasabi kong nagpa-bighani sa akin sa buong dula ay yung pagiging definitively PETA nito: original, collaborative, at substantial.
Di na ko makapaghintay sa susunod nilang produksyon. May auditions daw sila ah. Sana kaya ng schedule ko. Isang malaking goodluck. Magandang gabi!
8.5 out of 10 stars.
Ayun, para sa mga nais manood, ang ticket ay 300PHP lamang, at ito ay tatakbo mula Hulyo 18 hangang Agosto 24, tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo, 10am at 3pm. Para sa ibang impormasyon tumawag sa 725-6244, 410-0821, 0917-8154567, 0917-5642433, o mag-email sa petampro@yahoo.com. Iba pang impormasyon dito.
Labels:
critique,
noli at fili dekada 2000,
peta,
rebyu,
review,
soxie topacio
Sunday, July 5, 2009
Sasadyain: Noli At Fili Dekada 2000 (Dos Mil)
Mukhang may isa pa akong papanoorin ngayong sabado, ang produksyon ng PETA tungkol sa contemporaryong approach sa Noli at Fili. Malapit lang sa amin ang PETA kung kaya't madali lang makapunta na dun. At pati na rin kasi Sabado, isang maligayang araw para sa teatro yey.
Isa sa mga nirerespeto kong kumpanyang teatro ang PETA gawa ng sa mga makabuluhan at change-oriented na mga dula nito. Philippine Theater na socially relevant, at alam mong may laman. At pati na rin, masarap paglaruan ang konsepto ng satire, at sadyang kinakalikot ito ng PETA. 300php lang din ang ticket kaya tara na!
NOLI AT FILI DEKADA 2000 (DOS MIL)
If Jose Rizal had written his two novels today, what issues would he have raised? In modern society, who would Ibarra and Maria Clara be? Who would be the equivalent of the villains Fray Salvi and Fray Damaso, and the characters of Elias, Pilosopong Tasio, Basilio, Isagani, and Padre Florentino?The Philippine Educational Theater Association opens its 42nd Theater Season this July with a new interpretation of Rizal’s classic works, Noli Me Tangere and El Filibusterismo with Nicanor Tiongson’s NOLI AT FILI DEKADA 2000 (Dos Mil).
Showing at the PETA Theater Center from July 17 to August 9, 2009 (Friday, Saturday and Sunday: 10AM and 3PM)
Sa direksyon ni Soxie Topacio
Tickets are P300 each.
For inquiries or reservations, call PETA Marketing at 410 0821 or 0917-8154567/ 0917-8044428 or email petampro@yahoo.com.
---
Kung nais niyo pong magpa-sabi ng mga upcoming na dula, maaari niyo po akong ma-contact sa proletartist@gmail.com . Paki sama lang po ang pangalan ng dula, ang inyong kumpanya, at kung magkano ang ticket. Mas masaya din kung may maaaringmakontak para sa karagdagang impormasyon at pati na rin kung may website kayo. '
Salamat po at magandang gabi!
Labels:
noli at fili dekada 2000,
peta,
sasadyain,
soxie topacio,
upcoming
Sasadyain: Ang Henerala at The Fantasticks
May dalawang dula akong nais papanuorin, Ang Henerala ng Entablado at ang The Fantasticks ng Repertory Philippines. Sa may Ateneo lang gaganapin ang Ang Henerala, kung kaya't sobrang lapit lang sa aking tinitirhan dito sa QC ngayon. At ang The Fantasticks naman ay nasa Makati lang, malapit sa aking pinagtatrabahuan.
Pero baka sa swelduhan next week pa ako makakapanood. Kakabili ko lang kasi ng alarm clock na bago, tinatapon ko lang kasi ang celphone ko kapag nag aalarm ito. Gusto ko na kasi maka uwi ng maaga. Flexitime kasi kami, e ano naman ang flexi time kung 1PM. Nasan na tayo. Ayun. Ang The Fantasticks ay isamg musical na galing sa Broadway. Ang synopsis at iba pang detalye ay nandito. Habang ang Ang Henerala ay tungkol sa isang Heneral na sinapian ni Magbanua, isang babaeng bayani noong panahon ng mga Kastila (Mas detalyado pang synopsis dito).Nakakatuwa na may iba't ibang klase ng teatro ang Pilipinas. Na-eexcite rin pala ako sa Three Pennies ng World Theater Org sa PETA Phinma Theater. Mas maraming balita sa susunod na mga araw.
ANG HENERALA
ni Nicolas Pichay
Sa direksyon ni Jethro Tenorio
DATE: June 30, July 1-3, 7-11, 14-17 at 7 p.m. and July 4 & 18 at 3 p.m.
PLACE: Rizal Mini Theater, Ateneo de Manila University
THE FANTASTICKS | ||||||
July 3 to July 26, 2009 | ||||||
8:00 PM on Fridays & Saturday 3:30 PM on Saturdays & Sundays | ||||||
Venue | ||||||
OnStage | ||||||
2/F Greenbelt 1, Ayala Center, Makati City | ||||||
Director | ||||||
Baby Barredo | ||||||
Tickets | ||||||
|
---
Kung nais niyo pong magpa-sabi ng mga upcoming na dula, maaari niyo po akong ma-contact sa proletartist@gmail.com . Paki sama lang po ang pangalan ng dula, ang inyong kumpanya, at kung magkano ang ticket. Mas masaya din kung may maaaring makontak para sa karagdagang impormasyon at pati na rin kung may website kayo. '
Salamat po at magandang gabi!
Labels:
ang henerala,
broadway,
entablado,
panonoorin,
peta,
rep,
repertory philippines,
the fantasticks,
three pennies,
upcoming,
wto
Saturday, July 4, 2009
Virgin Labfest V - It's Complicated
Mainam na ang unang rebyu sa Proletartist ay ang tungkol sa Virgin Labfest (VLF) gawa ng ito ay ang pagpapanganak din ng mga gawa ng iba't ibang manunulat na miyembro ng Writer's Bloc. Ang VLF ay isang taunang pagpapalabas ng mga bagong sulat na mga dula. Kadalasan ay dalawang linggo ang pagtakbo ng pestibal na ito, bawat pagpapalabas ay may tatlong maiikling dulang tumatalakay sa iba't ibang paksa.
Gawa ng hapit ako sa schedule (deadline sa trabaho, freelance work, mga kliyenteng banyaga), isa lang ang set na napanood ko kasi Sabado ito, 3PM, at maluwag pa ang LRT-2: Ang It's Complicated set na binubuo ng Ang Mamanugangin ni Rez, Salise, at So Sangibo A Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman. Mula sa titulo ng set, ang tema ng tatlong dulang ito ay ang eksposisyon at pag-sasaliksik sa pagka-tagpitagpi at pagkabuhol-buhol ng mga relasyon ng tao. O sa madaling salita, ano ba ang epekto ng isang tao? Sa bawat dulang napanood ko, tila unti unting hinuhubaran ang mga karakter na akala mo'y matitigas at matatapang. Ang swabe, may bagahe pala. Yung mga ganong tipo.
ANG MAMANUGANGIN NI REZ
ni Clarissa Estuar
sa direksyon ni Paolo O' Hara
Ang unang dula sa set ay ang Ang Mamanugangin ni Rez. Na kung saan, ang bidang si Pinay (tunog pee-nay), na ginagampanan ni Mayen Estanero, ay isang tagabantay ng isang paayusan ng sapatos na ang pangalan ay Mr. Squeekie. Si Pinay ay ang tipo ng babaeng natanggap na na hanggang dun na lang siya sa pagiging tagabantay ng shop nila, gawa ng bente-siyete anyos na siya at di pa rin niya nagagawa ang nais niya talagang gawin sa buhay. Dagdag pa nito, wala pa rin siyang asawa. Ngunit may isa na lang siyang nais makuha: Si Dan (Jerald Napoles), ang tagaayos ng mga sapatos. Ngunit si Dan ay may ibang (mga) babae na kinahuhumalingan. Kasama ng mga kaibigan niyang sila Turing (Chrome Cosio) at Noah (Cris Pasturan), naikukwento niya si Anne (Denise O'hara) kay Pinay.
Una sa lahat, ito na ang pinaka nakakaaliw na dula sa tatlo gawa ng kakulitan ng mga karakter lalo na sila Turing at Noah. Ang character development ni Pinay ay mas naging nakaka-intriga gawa ng kanilang paghirit. Mainam din ang pag pili sa artista para kay Dan, hindi dahil mukha siyang blue-collar, kundi dahil swak ang mga mala-Jolina-Marvin-Agustin moments nila ni Pinay. Pagdating naman sa pag arte, may reklamo ako kay Anne gawa ng blangko ang kanyang pagtanghal kanina. Tila, walang buhay at kung minsan pa'y may pagka stylized. Sa makabilang dako naman, kahit na maikli lang ang pagpapakita sa asawa ni Dan na si Virgie (Amihan Ruiz) nadama ko talaga ang presensya niya sa entablado. Ang bidang si Pinay ay nakakaaliw talaga. Madali kang mapapamahal sa kanya at talagang makikita mo ang pagkatotoo ng pagarte. Paborito kong parte yung tumawa lang siya ng malakas, as in tawang tawa. Kasi dama mo na nang-aapi siya sa tawa at di talaga niya mapigilan.
Pagdating sa direksyon at buong obra, yun nga, mainam ang pagdebelop ng karakter. Mahirap magdebelop ng karakter sa isang maikling dula pero nakaya naman dito gawa ng mga hirit. Pero medyo mahina o kaya naman di masyadong na-execute ng mahusay ang mga metaphor na ginamit sa buong dula. Yung pundidong ilaw na paulit ulit na inaayos at yung pulang sapatos ay di masyadong na-namnam marahil ay dahil sa kalunoslunos na pagarte ni Anne, o kaya naman di universal ang mga metaporang ginamit. Ang isa pang napansin ko ay ang set, masyadong maputi. Na ang weird kasi gawa ng pagkaputi nito, ng shop, ng upuan, ng mga damit ng mga karakter, di nagmumukhang minimalist yung dula, nagmumukang madumi at kalat. Kung ito ang allusyon ng mandudula para sa pagka-humdrum ng buhay, at kaya pink ang suot ni Dan, mainam. Pero mahina esthetically.
Sa pangkabuoan, maganda ang dulang ito, para sa akin ay may puso at pundasyon. Kelangan lang ng matinong execution na pangkalahatan.
SALISE
ni J. Dennis Teodisio
sa direksyon ni Roobak Valle
Sinundan naman ito ng Salise. Ang Salise ay tungkol sa isang baklang nagngangalang Dory (JV Canta), na ninakawan ng laptop ng kanyang callboy na si Rocky (Gammy Lopez). Ang dula ay nangyari sa loob ng bahay ng mga magulang (Sugus Legaspi & Roence Santos) at asawa (Tara Cabaero) ni Rocky. Sa loob ng bahay ni Rocky, sinusubukan nilang apat na mahanap si Rocky at ang laptop, at sa maikling panahon, naipakita ang epekto ni Rocky sa buhay ng bawat isa sa kanila, at ang konsepto ng salisi.
Mainam na mainam ang pag-cast kay JV Canta bilang Dory, kumbaga kabog niya yung karakter. Pero may pagkabata lang ang mukha nito para sa isang lalakeng nakaka bili na ng panandaliang aliw. Isa pa, tsempong tsempo sa mga punchline si Dory, at kitang kita mong dalang dala niya ang buong teatro. Iniisip ko na taga Laguna siya o ang karakter niya kasi ang lakas ng twang ng Laguna sa kanya. Pero yun nga, ang. bakla. niya. Nakakatuwa. Nakakatuwa din ang mga magulang ni Rocky gawa ng pagka kwela nila. Maraming mga panahong magiging sobrang bigat ng buong eksena pero kinaya pa rin nilang palambutin ito.
Subalit may maliit akong isyu sa asawa ni Rocky, weak ang mga entrance niya na magugulat ka na lamang na 'ay andun na pala siya sa stage.' Pati pala, at hindi lang siya kundi pati si Dory at iba pa ang sakop, may mga parte na nais ko sanang lagyan ng maiikling patlang. Kasi sayang yung emosyon na sana ay nasuspend kahit saglit na di ko na naramdaman ang emosyon na hinuhugot gawa ng pagka-stacatto ng buong dula. At ayun din, sana naging sensitibo sila sa audience kasi kahit na tumatawa yung audience na kay lakas, patuloy pa rin sila sa pag sasalita na di ko na sila marinig. Si Rocky pala ay nakakatuwa din sa pag arte.
Kasama ang lahat sa kanila, nakikita mo ang pagbago bago ng kanilang ugali dipende sa kung sino ang kausap nila. Ang ganda nag pag-expose nila sa human nature na iyon.
Sa sulat at direksyon, mainam ang ginamit na device (rotating panels) sa pagpapakita ng past at present, isang lugar sa isa, etc. Limitado nga ang espasyo pero nagamit pa rin ng lubos ang buong stage. Sa kwento, sana mas naintindihan ko ang rason kung bakit naging ganon si Rocky, at hindi lang dahil sa sabi ng tatay niya. Ang off kasi na meroong central antagonist na magiging hostile sa taong nagpakain sa buong pamilya niya. Di ko talaga maintindihan din ang rason ng pag-iwan ni Rocky ng laptop sa isang bag na dapat ay didespatchahin na niya. Di ko lubos na makita ang logic ng objective sa pag-"salisi" ng bag ng laptop at ni Rocky mismo. At kung nakalimutan nga niya ang laptop, bakit hindi siya bumalik agad.
Magaling ang cast at pati na rin ang set. Kelangan lang talagang saraduhin ang mga butas sa istorya.
SO SANGIBO A RANON NA
PIYATAY O SATIMAN A TADMAN
ni Rogelio Braga
sa Direksyon ni Riki Benedicto
Ang huling dula ay may mahabang titulo kung kaya't tatawagin ko na lamang itong Maratabat. Dahil sa ito ang laging sinasabi ng mga karakter nito at pati na rin, relatively ay mas maiksi ito. Hindi ko alam ang ibig sabihin nung mahabang titulo, hinanap ko na sa GOOGLE ay di ko pa rin mahanap. Pero ang Maratabat ay ang kwento ni Aling Ella (Roence Santos), isang titser na dati ay pokpok. Kinukwento niya sa mga kapitbahay niyang nagiinuman at nagpapractice ng kanta ang istorya ng isang babaeng si Stella (Mayen Estanero), isang pokpok na may nakasalubong na kalaguyo. Sa kanyang pagkwento, ninais ni Aling Ella na maibalik ang nakaraan at pati na rin mapawi ang masamang alaala nuong panahon ni Marcos.
Story-wise, parang nakita ko na yung format na ginamit sa dula. Tila hango ito sa The Reader na inartehan ni Kate Winslet. Kung saan ang past ay nagkukwento ng past na may tinatalakay na past. Andaming past nito. Pero sige, kunwari nga ay natuwa masyado yung mandudula dun sa format ng The Reader, may mga parte pa rin na butas at kelangan ng resolusyon, kahit na masyadong maliit. Tulad ng bakit kumakanta yung mga tambay.
Isa pa sa mga hinaing ko ay ang atake ng direktor sa istorya. May mga elemento kasi siyang ginamit na Brechtian o Impressionistic, pero ang mga aktor ay gumamit ng Realism sa kanilang pag poportray. Kung kaya na-punit ako kung magiisip ba ako o iiyak. Pero yun yung nais kong maintindihan sa direktor. Ano ba talaga yung script, gawa ba siya para makapag sabi ng hinaing sa lipunan (na yun nga ang nangyayari minsan), o makipagdalamhati kami kay Stella, na aping api. Yung tatay ba niya ay isang allusion? O sadyang malibog lang talaga? Maraming butas yung dula sa parte ng director na sana ay mas solid ang form o device na kanyang ginamit.
Higit sa lahat, di rin klaro yung set design tulad ng bulaklak sa gitna ng daan. Mahina ang eksplanasyon nila sa open forum: "simbulo ng mga karakter kasi dilaw ang suot ni Stella at pula naman si Ella". Pero ang kuha ko dun ay isang metaphor ang bulaklak sa kababaehan nila Stella at Ella na na-apektohan ng status ng kanilang ginagalawan, at ang mga ilaw bilang ang dulo ng daan, makikita kahit dilim, isang metaphor para sa Hope, na kung saan hanggang sa dulo ng dula ay umiilaw pa rin. Na kahit dinadaan-daanan at winawasak nilang dalawa ang mga bulaklak gamit ang sarili nilang mga paa, may pag-asa pa rin sa dulo, kung kaya't bago mag telon ay makikita nating pinipilit ni Stella na ayusin ang mga bulaklak. Eto ang rason kung bakit take ko sa lahat ay isa itong feminist play, ngunit hindi pala. Muslim exposition pala ito. Kaguluhan sa mga metapor na gamit o pagkalamya ng akting nung rapist ni Stella. Gawd, that was dreadful acting. O diba napa-ingles ako. O pwede ring Brechtian yung acting nung lalake, pero Realist si Stella. In which case, haggard sa conflicting acting form.
Isang misteryo sa akin kung bakit may mga taong naluha sa teatro habang pinapanood ang Maratabat, e ito na ata ang isa sa mga pinaka magulong dula na napanood ko, in terms of direction and aesthetics. Pero in a good note, may puso ang dulang ito. At lahat ay nag sisimula sa puso.
PANGKALAHATAN
Maraming baguhan sa Philippine Theater na nakita ko sa Virgin Labfest 5 na promising tulad ni JV Canta at Gammy Lopez. Sinasabayan nga naman ng artista ang obra, parehas na bago. Para sa akin, marami pang butas ang mga dula tulad ng pag-debelop ng mga karakter at ang pagkapulido ng direksyon.
Ang maganda sa VLF ay isa itong festival sa paglilikha ng mga bago. Kumbaga sa ingles, RAW. Kakagaling pa lang sa utak ng mga manunulat, bagong panganak. At nakakatuwa na cinecelebrate natin ang mga ito. At dapat lang, kasi ang lahat ng bago ay may puso. At sabi ko nga, ang lahat ay nagsisimula sa puso. Di na ako makapaghintay para sa susunod na taon. Nawa'y makapag-audition ako. Pwede na ata ako mag sabbatical. Haha.
Magandang gabi!
Rating: 8 of 10 stars.
Iba pang critique dito.
Magandang Gabi
Ang Proletartist ay isang blog na kung saan tatalakayin natin ang mga dula/produksyon sa Pilipinas gamit ang mga mata ng isang manggagawa. Isang manggagawang may libog para sa teatro na nagtatrabaho sa mundo ng mga korporasyon. Ika nga ng kaibigan ko, alipin. Ngunit ang inyong lingkod ay isang aliping binibigyang buhay ng teatro. Kaya mainam na rin na gumawa ng isang lugar na kung saan mailalabas namin ang aming mga saluobin sa mga dulang napanood na namin, mga dulang nais panoorin, at mga dulang nais naming isuka.
Opo: kahit na kami ay nagtatrabaho ng siyam hanggang labindalawang oras sa isang araw, meron pa rin kaming uhaw sa pagpapanood ng lahat ng dulang magbubukas. Kaya ito ang aming blog, isang saludo o pangaapi sa mga dula na lumalabas dito sa Maynila.
Tumatanggap po kami ng mga rebyu/critique ng kahit anong produksyon mula sa kapwa naming proletartist. Mag email lang po kayo sa proletartist@gmail.com , isama ang inyong pangalan, trabaho, at kumpanya (Optional). Pati na rin ang dula, ang kumpanyang nagtayo ng dula, at ang iskor niyo para sa dula (1 - 10, sampu ang pinaka mataas).
Mabuhay at Magandang Gabi!
Subscribe to:
Posts (Atom)