ni V
Alam kong medyo huli na ngunit pinili ko pa ring kauna-unahan kong entry ang The Threepenny Opera na dinerehe ni Dr. Anton Juan dahil sa isang kadahilanan... so far, ito ang pinakamagandang produksyon na napanood ko ngayong taon.
Upang maging malinaw ang aking review, mamarapatin kong ipresent via bullets ang aking mga saloobin.
1. Pinahanga ako ni Dr. Anton Juan sa paraan ng pagdidirehe nya ng nasabing dula. Di tulad ng iba, hindi nasira ang gawa ni Brecht. Hindi nalunod ang mga manonood sa semiotics na karaniwang kasalanan ng mga nangangahas na imaniobra ang teksto ni Brecht. Simple ngunit epektibo ang naging interpretasyon ng dula. Para sa akin, di magiging kasing ganda ang kinalabasan ng dula kung iba ang nagmaniobra nito. Isang matinding papuri sa iyo Dr. Anton Juan.
2. Tunay na tumatak sa aking alaala ang performance ni Bituin Escalante bilang Pirate Jenny. Sa bawat paglabas nya sa entablado ay dumediretso ang aking mata sa kanya dahil sa kanyang matinding stage presence. Ngunit bagamat matindi ang kanyang stage presence ay di naman sya nang-uupstage. Ang katangiang ito ang tunay na naging dahilan nang paghanga ko sa kanya. Di ko na pupurihin pa ang galing nya sa pag-awit dahil sa tingin ko ay given na yun.
3. Nakakatuwa si Ricci Chan kung sa nakakatuwa, maganda rin at powerful ang boses nya, ngunit kung may isang bagay man ang dapat punahin sa kanyang performance yun na siguro ang hilig nya sa pang-uupstage ng kapwa artista. Nagmistulang isang naglalakad na salitang UPSTAGE si Ricci Chan sa The Threepenny Opera. Alam kong magaling sya at punong-puno ng talento ngunit mas naging maganda sana kung di nya nilalamon ang mga karakter na syang dapat ay bida sa isang specific na scene. Maliban sa kanyang hilig sa paglamon ng kapwa sa entablado ay wala na akong masasabi pa sa kanya. Isa syang tunay na talentadong artista, sana nga lamang alamin nya kung kelan dapat umariba at kung kelan dapat magpaubaya.
4. Hindi ko alam kung bakit pero tuwing nawawala si Mr. Peachum ay inaabangan ko ang kanyang muling pagbalik sa entablado. Siguro ito ay epekto ng napakaganda nyang pagpasok sa simula o di kaya'y sa nakakatuwa lang talaga ang kanyang pagkatao, kung ano man, nais kong papurihan si Onyl Torres para sa isang napakaepektibong pagbibigay buhay sa kanyang karakter.
5. Hindi ko rin pedeng isang tabi si Cholo Gino na gumanap bilang Mrs. Peachum. Oo, lalaki sya at babae ang kanyang ginanapan at maliban pa doon ay nabigyan nya ng hustisya ang kanyang karakter. Habang nanonood ako ay nafeel ko nang lalaki sya ngunit patuloy akong nagdududa dahil sa flawless nya performance. Ang mannerisms nya ay dead on at ang singing voice nya at wagi kung wagi. Isang pagpuna lamang ang nais kong banggitin, kung minsan lang ay nilalamon sya ng kanyang co-actors pero nababawi nya naman agad ang atensyon ng mga manonood.
6. Kung meron akong isang aspeto ng play na nais kwestyonin, yun na siguro yung paglabas ni Lexie Schulze na gumanap na Sukey Tawdry sa entablado. Alam kong bahagi ng dula si Sukey Tawdry ngunit sa tingin ko ay hindi na necessary ang pagsulpot nya sa entablado. Siguro ninais ng direkto na ipakita ang contrast or pagpapasa ng korona ni Pirate Jenny or whatever ngunit sa tingin ko ay di na kailangan pang kumuha ng artistang magbibigay mukha sa isang taong nag-exist lang naman sa dula dahil sa ito ay pinag-uusapan ito ng mga pangunahing bida.
7. Si Frances Makil-Ignacio na bumuhay kay Lucy Brown ay nagmistulang isang naglalakad na CONSISTENCY. Di ko naramdaman ni minsan na dinrop nya ang kanyang karakter o di kaya'y nabawasan ang kanyang stage presence. Bagamat di kasing powerful ng boses ni Bituin or kasing smooth ng boses ni Kalila ay umarangkada pa rin sya sa kanyang musical number. Nadala ng galing nya sa pag-arte ang mga notang kailangang patamaan at ito ay isang malaking achievement dahil ibig sabihin ganun sya kagaling.
8. Naging magaling din sina Jerald Napoles at Kalila Aguilos. May kulang lang si Teroy Guzman na di ko matukoy dahil may mga pagkakataong nabobore ako kapag nasa entablado sya. Sa pangkabuuan, panalo ang ensemble ng Threepenny.
9. Di ko maikakailang nakiliti ang aking pagkamakabayan sa mga pasimple at kung minsan at harapang pagtuligsa ng dula kay Gloria. Sa pagsisingit ng mga iskandalong kinabilangan ni GMA ay nabigyan ng isang malinaw na koneksyon ang ating kasalukuyang kalagayan sa kapanahunang nabuo ang nasabing dula. Ang mga paningit na banat ay nagsilbi ring isang hudyat sa akin na nasa Pilipinas pa nga pala ako dahil may mga bahagi ng dula na pakiramdam ko ay nasa Broadway ako dahil sa galing ng mga scenes at transitions.
Napakarami pang dapat banggitin sa The Threepenny Opera ngunit sa mamarapatin ko nang di ulitin pa ang nasabi ng aking co-authors sa blog na ito.
Sa kabuuan ay bibigyan ko ang The Threepenny Opera ng rating na
V / V

