Showing posts with label rebyu. Show all posts
Showing posts with label rebyu. Show all posts

Friday, August 21, 2009

Threepenny Opera o Nung Naranasan Namin Ang Jetlag sa PETA


Alam mo yung eksaktong oras na kakababa mo pa lamang ng rollercoaster, tapos tawa ka ng tawa, buhok mo kay gulo, nanlalambot pa ang hita, sinisigaw ang "isa pa! isa pa!" pero malalaman mo na lamang na ang haba pa ng pila kaya maghintay ka na muna?

Ganun na ganun yung naramdaman ko pagkatapos ng The Threepenny Opera.


The Threepenny Opera
by Bertolt Brecht and Kurt Weill
directed by Anton Juan

Ang The Threepenny Opera ay tungkol sa labanan ng bossing ng mga pulubi at ng bossing ng mga magnanakaw ng London, si Jonathan Peachum at Maceath, nung pinakasalan ni Maceath ang anak ni Peachum. Kinalaunan, nalaman ni Peachum na kaibigan ni Maceath ang komisyoner ng mga Pulis, pero ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at koneksyon para mahuli si Maceath at mabitay ng tuluyan. Ngunit, sa hulihan, nagka-deus ex machina sa panig ni Maceath, at naligtas siya sa bitay.

Iniisip ko talaga kung paano magiging objective sa pag critique ng dulang ito. Pero kung hihintayin ko pa ang pag pawi ng tuwa sa pagkita nito, magiging untimely na ang post na ito. Kung papuri ang sasabihin, isa, dalawa o tatlo na lamang ang sasabihin ko:

Ang talento ni Dr. Anton Juan ay isang napakasarap na bagay na maipamahagi sa publiko. Ang husay ng kanyang pag habi ng mga eksena, na naramdaman talaga ng madla ang pagka-Brechtian ng buong show. Na-alienate kami ng lubusan. Sobrang na-alienate ako na paglabas ko ng teatro ay tila mixed-emotions ako: di ko alam kung matutuwa ba ako sa ganda o malulungkot sa mga katotohanang tinatanggap ng dula.

At ano ba itong mga katotohanang ito. Ginawa ang dulang ito nuong mid 20th century, pero ang nakakalungkot lang (pati na rin ang galing ng pag-execute) dahil nai-kabit pa rin nila ang 1950s sa atin ngayon, na tila wala nang pagbabago sa mundo, sa pulitikal at ekonomikal na arena. Ang dula nga naman ay isang Marxistang komentaryo sa kapitalismo, pero ang mga kabulukan nito ay nahalintulad pa rin nila sa kabulukan ng sistema natin ngayon.

Tulad na lamang ng pagka-salba kay Maceath, ang bidang kontrabida. Bibitayin na siya, gawa ng mga kasalanan niyang pagnanakaw at pagiging babaero, at kinasuklam siya ng mga tao gawa nun. Ngunit nung nawala ang pagpataw ng bitay sa kanya, nag 360-degrees ang mga tao at biglang nawala na rin ang kanilang galit. At ito ang karumaldumal na sinabi ni Maceath (isa na lamang itong paraphrase, patawad):

"If you are going to kill a thief, you have to kill all thieves. And what does it matter if the government saved me? The people will forget, the people will forgive. Just give time."
Na tila sinasabi na kung papatayin mo ako, patayin mo na rin ang bangko, na magnanakaw din naman. At sa atin, patayin din dapat ang mga pulitiko, e nagnanakaw din sila. Pero totoo nga ang sinasabi niya, na makakalimutan din naman ng mga tao.

Tingnan mo ang Garci.

Tingnan mo ang ZTE.

Ang nakakagulat doon ay nakalimutan ko nga talaga ang mga iyon. Kung hindi lang nila isinulat sa tatlong kilometrong rolyo ang lahat ng kasalanan ni Gloria, hindi ko maiisip na,

Ay oo nga ano nang nangyari sa kanila?!
Wala. Walang nangyari. Nabaon na lamang sa limot. Kasi dumating si Hayden, kasi dumating si Manny Pacquiao, kasi dadating si Diego Luna ngayong Oktubre. O kasi namatay si Michael Jackson, yung Farrah Fawcett, at Cory Aquino. Kasi namatay ang National Artist Award. Kasi National Artist na si Carlo J Caparas: To God be the glory.

Kita mo nakalimutan mo na na tungkol ito sa Threepenny.

Ginusto ni Brecht na maging isang satiric dramatisation ang dula sa tanong na kung sino ba talaga ang tunay na magnanakaw? Ang nagnanakaw ng bangko, o yung may ari ng bangko?

Pero sa tingin ko, isang satire ni Anton Juan ang buong dula sa kung gaano kaliit ang utak ng mga tao.

Kung gaano tayo kabilis makalimot. Kung gaano tayo kabilis mauto at maloko. At pagkatapos ng lahat, kahit na alam na nating na-uto tayo, nanakawan at naloko. Papatawarin natin at kakalimutan na lamang. Kasi nga maliit ang utak natin. Mabilis tayong mawalan ng interes. Mabilis tayong makalimut. Mabilis ang epekto ng dibersyon. Nakakalimutan nating isa lang itong palabas. Paulit ulit, paikot ikot. Di na nga natin natatandaan yung "Tama na, Sobra na, Palitan na!" eh. Yun nga ba ulit yun?





Pinapaalala lang sa atin ni Dr. Anton Juan ang lahat ng iyon. At, dahil dito, maraming maraming salamat sa kanya.

Ensemble yung cast, at ensemble din talaga ang buong pagtatanghal. Dama mo na walang nang-u-upstage. Kung meron man, tulad ni Ricci Chan, ito ay isang hudyat na kulang sa energy ang ibang tao. Kaya kung meron man akong kritisismo sa dula, ito ay ang pag-fluctuate ng lebel ng enerhiya ng ensemble.

Isang magarbong palakpakan para kay Ricci Chan na ang tindi ng gamay sa manonood. Ang kanyang patented comedic timing ay naandun pa rin. At isang standing ovation para kay Bituin Escalante, nakakayanig ang kanyang mga kanta, at, mas mabuti pang i-quote ko ang aking kaibigan nung sinabi niya si Bituin Escalante ay ang
Naglalakad na Presence
At si Ricci Chan daw ay ang
Naglalakad na Energy
At para na rin sa buong cast, kay Frances Makil-Ignacio, Teroy Guzman, Kalila Agilo, Onyl Torres, Cholo Gino, at sa iba pa, mahusay po.

Maraming salamat sa mahusay at matalinong pagtatanghal.

----

Minsan lamang sa buhay ng tao mararamdaman ang sabay na bagsik ng kasiyahan at kalungkutan. At kung minsan pa, saglit lamang ang mga ito. Pero palagi, sa lahat ng nakaranas, ito ay isang hudyat na nabuo na ang isang parte ng buhay nila.

Nalulungkot lang ako sa mga di nakapanood. Ang hiling ko na lamang talaga para sa inyo ay magkaroon ng re-run ang rollercoaster ng The Threepenny Opera, ang opera ng mga pulubi.

10 out of 10.

Tuesday, August 18, 2009

A Penny for My Thoughts on The Three Penny Opera


(Sorry sa pun :p )

Hindi na kailangan banggitin ang mga detalye at sirkumstansya nang kung bakit at paano
nag hinawa ni Dr. Anton Juan na iproduce ang Three Penny Opera.

Makikita na ito sa pag-galang ni Juan sa panunulat ni Bertlot Brecht at sa paglalapat ng mga maliit na detalyeng nagrereference sa kasalukuyang mga kakatawang bagay sa ating bansa sa usapin ng ekonomiya, pulitika at sining.

May mga verbal na hirit at mga maliit na props na tumukoy kay Gloria Arroyo at sa isyu ng National Artist award. Mahusay ang pagkakasingit ng mga ito sa dula.

Isang pagpupugay kay Teroy Guzman, Kalila Aguilos, Bituin Escalante at iba bang mga nagsipag-ganap. Consistent ang kanilang performance sa buong dula. Kapanipaniwala rin ang kanilang mga kilos at accent bilang mga karakter na taga-London.

Magaling ang comedic timing ni Ricci Chan bagamat may mga pang-ensemble na bahagi ang dula na na-uupstage nya maging ang mga bida.

Pumapalya rin ang mga accent nila Ryu at Katte Sabate na dapat ay Scottish at Liverpool (ata) ngunit naging mistulang Jive (na lumabas noong pa lamang 1960's). Bukod dito, natatangi ang pagbaba ng kanila enerhiya sa entablado kumpara sa kanilang mga kasama.

Sunday, July 19, 2009

Isang Reading ng Dulang Noli at Fili 2000

Mainam na nagkataong malakas ang ulan pagpunta namin sa PETA. Mainam din na kasabay naming manood ay mga estudyanteng required. (Nung bumili ako ng ticket, tinanong ako kung saang unibersidad o eskwelahan ako galing. Sabi ko, wala lang, walk-in.)

Mistulan ding isang modern adaptation ng mga nobela ni Jose Rizal ang dula. Nais kong bigyang diin ang salitang "din". Nagsimula ang dula sa isang unos, na sa Noli Me Tangere ay syang huling pangyayari na binuild-up kasabay ng unos sa buhay ng mga bida nito. Batay sa ibang mga blogger ay batay din ang dula sa isang totoo at malalang unos noong 2002.

Isang malaking "what if" sa characterization ng dula. What if sa panahon natin nabuhay si Ibarra? Saan sya mag-aaral ng kolehiyo? Angkop naman na kung nabuhay ngayon si Elias ay mamumundok sya. Nakakaintrigang isipin kung bakit naging isang bruskong sundalo si Salvi sa bersyong ito. Dahil na rin sa panahong ito, mas malinaw na kalaban ng taumbayan ang administrasyon at ang mga sundalo nito kaysa sa simbahan.

Medyo naging telling ang dula lalo na noong huling mga eksena kung saan sinabi ni Ibarra na mamatay syang parang si Rizal at si Elias ay maitutulad kay Bonifacio. Kung gayong kilala ng uniberso ng dula ang may akda ng nobela, kilala din nila ang nobela at na sila rin ay gaya ng mga tauhan dito.

Magaling ang pagtatanghal. Maganda ang props at set design, lalo na noong unang eksena kung saan may bagyo. Mapapapakapit ka rin sa upuan dahil sa aksyon. Maraming barilan na makokotahanan. Para ka ngang nadamay sa isang aktwal na shoot-out o kaya'y nanood ng mga 90's action films nang 3D. Kasali na rin dun ang mga dialogo at delivery na sumasaysaw sa gitna ng cliche at iconic gaya ng "Lintik lang ang walang ganti!!!".

Magaling ang mga aktor. Lahat sila. Lalo na dahil sa karamihan sa kanila ay gumanap sa 2 o 3ng mga karakter na malaki ang pagkakaiba mula sa isa't-isa. Malalaman mo nalang sa dulo ng dula na sila rin pala ang gumanap sa karakter na iyon o sa karakter na ito.

Naglaro din ang dula sa paghahalo ng ibang medium gaya ng video. Mainam ang mga ganito upang makalikha ng bago mula sa mga nagdaan nang konsepto at paraan. May ilang bahagi lamang na parang masyadong nang nakasentro ang eksena sa video gaya nang pagtatanghal ng mga estudyante ni Mr. Tacio. Naging manonood na rin lang ang mga karakter sa dula at ang video mismo ay masyadong maganda para masabing gawa ng mga studyante. Isa pa, mataas ang video at masakit sa leeg tumingala.

Gayunpaman, malinaw ang mensahe ng dula at nagtagumpay ang execution nito mula sa pagiging modernong text na base sa dalawang nobelang sinasabing nagsimula ng diskurso ng iba pang nobela sa bansa hanggang sa pagiging isang buhay na pagtatanghal ngayon.

Noli At Fili Dekada 2000 - Isang Rebyu

Simula ngayon, may dalawa na po tayong manunulat dito sa Proletartist para makapag-hatid ng maiinam na rebyu o kritisismo sa mga dulang pinanood at papanoorin namin. Ang isa ay ang inyong lingkod, isang programmer na nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Makati. At ang bago ay si mumblingmaya , isang manunulat na nagtatrabaho sa Libis. Kung minsan ay sabay kaming manood ng mga dula, sa mga ganitong pagkakataon, maaaring parehas kaming mag bigay ng rebyu sa dulang iyon, basta magsusulat kami ng mga pananaw sa mga napanood naming mga dula.

Kamakailan lamang ay nakapanood kami ni mumblingmaya ng Noli At Fili Dekada 2000 ng PETA. Ang nasabing dula ay isang kontemporaryong bersyon ng mga obra ni Jose Rizal. Ang mga karakter at tema ay parehas din, maliban na lamang sa iilang tauhan tulad ni Salvi na sa bersyon ng PETA ay isa nang colonel.

NOLI AT FILI DEKADA 2000
ni Nicanor Tiongson
sa direksyon ni Soxie Topacio

Nakakatuwa at na-tsempo ulit na Sabado ang unang pagpapalabas ng Noli at Fili Dekada 2000. Kasama ko si mumblingmaya sa pagpapanood gawa ng miss na namin ang teatro, at ako'y isang manghahanga ng PETA. Marami nang magandang produkto ang PETA, at sa lahat ng iyon, maganda din ang hangarin ng nasabing grupo. Kaya nama'y kahit na may konting ulan, diretso kami sa 3PM na palabas.

Synopsis


Kung ginawa ngayon ni Jose Rizal ang kanyang dalawang nobela ngayon, ano kayang isyu ang kanyang ipapakita? Sa modernong lipuna, sino kaya si Ibarra at Maria Clara? Sino kaya ang kaparehas ng mga kontra-bidang sina Padre Salvi at Padre Damaso, at ang mga tauhang sila Elias, Pilosopong Tasyo, Basilio, Isagani, at Padre Florentino? Ang kanyang ikalawang nobela kaya ay magtatapos sa paraang nag tapos ito noong isinulat niya ang El Fili noong 1891?

Ang Noli at Fili Dekada 2000 ay nakapwesto sa isang maliit na munisipyo ng Maypajo sa probinsya ng San Lorenzo sa may Katagalugan kung saan ang isang ideyalistiko pero bata pang si Ibarra Marasigan, isang bagong halal na mayor, ay nagdesisyong tapusin na ang pag-totroso sa Sierra Madre. Nakahanap siya ng tapat na suporta mula kina Padre Ino, isang pari sa Parokya ng Maypajo, G. Atanacio, ang prinsipal sa Maypajo Highschool, Kapitan Badong, ang chief ng lahat ng barangay chairman sa Maypajo, at, higit sa lahat, ni Clarissa Santos, ang kanyang kababata at ngayon ay aasawahin.

Pero, habang maraming ginawang hakbang si Ibarra laban sa ilegal na pagtotroso, may mga natuklasan siyang isang napakalalim na korapsyon, na dinadamay ang kanyang magiging manugang na si Gov. Santiago Santos, ang Command Colonel Salvador Salvatierra, at Monsignor Damaso, ang bishop sa bagong diocese ng San Lorenzo. Sa kinalaunan, gawa ng mga ito, natanggal si Mayor Ibarra gawa ng "people power," na-blackmail si Clarissa para pakasalan si Salvi, at ang kanyang kababatang kaibigan na si Kumander Elias ng National Liberation Army (NLA) ay namatay habang nililigtas si Ibarra mula sa kulungan.

Mas detalyadong synopsis dito.

Istorya

Nagbukas ang entablado sa isang delubyo. Hindi delubyo mula sa produksyon, o kwento, o pag-arte ng kahit sino man. Delubyo sa entablado. May bagyo. May baha. Totoong bagyo. At mga tao na nalulunod. May nanay na namatayan ng sanggol, may lalakeng nalunod ang kapatid, may lolo na di na humihinga. Ngunit ang pag presenta nila sa mga premise ng kwento ay isang oratoryo. Oratoryo habang dinedelubyo. At dun pa lang, may hinala na ako sa kwentong matutunghayan, at bigla akong na-excite.

Shakespearean ito mga kapatid.

Malamang sa malamang ay mali ako o isang asumerang palaka. Pero yun yung nadama ko sa buong dula. Kaya kahit na nagiging melodramatic na ang ilang mga eksena (Aba'y nakulung na nga't biglang mamamatay ang sinta. Haha. Sikret na lang kung sino yun, unless memoryado niyo ang Noli at Fili), na-aappreciate ko. Kasi nga, ma-layer ang isang istoryang ganon ang nature. At ang ganda ng pagkatagpi-tagpi ng buong istorya.

Kaya ko naman nasabing Shakespearean ang kwento ay dahil sa mga elementong ginamit ng manunulat: Ang oratoryo sa simula; mga dayalogong mas mainam na naka-address sa mga manunuod; multi-layered na plot; nakakapang-edge-of-the-seat action sequences; at ang mala-oratoryong pagtatapos. Di ako nag-rereklamo dito, malayo pa sa pagrereklamo, kundi pumapalakpak pa ako sa buong konsepto nag-pagkakontemporaryong Shakespeare ng dula.

Maganda ang daloy, maayos ang karakter development ng mga tauhan. Maganda ang pagpalit ng trabaho ni Padre Salvi -> Colonel Salvi (Robert Seña), mas nagkaroon ng lohika yung karakter. At mas mainam sa lipunan natin ngayon.

Kung meron man akong nais idagdag o bawasan, ito ay yung kakulangan ng foil sa buong istorya. Tila malalim at mabigat ang nais ipahiwatig ng istorya, pero yun nga, kulang sa foil. Isa pa rito ay yung may pagka-hardsell na leftist ang istorya. Wala akong reklamo sa leftist ideologies ng dula per se, pero kung mas maipapahiwatig mo iyon ng mas bago, mas maganda. Kasi tila gasgas na ang subversibong retorikang ginamit sa kanilang mga dayalogo.

Direksyon

Isa lang masasabi ko. Gamay na gamay ni Soxie Topacio ang konsepto ng build up. Ang husay husay ng pagkatagpi tagpi ng mga eksena. Nagawa ng maige ang pag-build up ng buong kwento, at na-angkin niya ang atensyon ng buong manunuod sa dula. Naririnig ko sa buong show ang mga hiyaw at tili ng mga tao sa mga panahong nag babarilan o kaya naman may nag aaway na malapit nang mamatay. May naririnig akong umiiyak gawa ng madamdaming eksena nila Ibarra at Clarissa (Ma. Clara).

Mainam din ang disesyong gawing thrust ang buong entablado. Nagkakaroon ng depth ang buong istorya, pati na rin ang paghati hati ng dimensyon ng isang lugar. Klaro ang paglalaro sa espasyo at sa bawat set. Pagdating sa blocking, parang pumipinta ng magandang painting si G. Topacio.

Naguluhan nga lang ako sa puntong papasabugin na ni Simone ang kasalan (Oh wag ireklamong spoiler! Alam naman nating lahat na papasabugin ni Simone ang kasal ng irog ni Isagani! haha). Tila malabo, at magulo ang entablado at hindi excuse na magulo nga naman ang pagpapasabog, kasi tila di alam nung mga tauhan yung gagawin nila.

Isa pang hinaing ko ay yung pagka-illogical nung mga action-sequence. Parang sloppy ang pagkaka-ayos at kelangan pa ng mas matinding pagpupulido, mas snappy. Kasi parang hindi trained fighters yung mga sundalong andun. Parang mga artistang umaarteng sundalo.
Artista

Sa mga artista, binunbod ng mga batikang artista ang dula. Na naramdaman kong parang dinaya ko ang PETA kasi 300php lang ang binayad ko. Dapat mga libo talaga, base lang sa mga artista. Sinong di mamamangha sa pagka-cast kay Bembol Roco, Robert Seña (Miss Saigon), John Deocareza, Lex Marcos, Julia Enriquez, Joel Molina, Bodjie Pascua at iba pa.

Mainam ang pagkaka cast sa mga karakter. Ang performance ni Robert Seña bilang Colonel Salvi ay maituturing na henyo. Ang galing ng pag depict niya sa isang abusive na asawa, at isang corrupt na opisyal.

Nakakatuwa pa nga kasi may special guest ang dula. Di ko sasabihin kung sino, pero nakakatuwa at lumabas siya. Mainam na parody.

Ang tanging hinaing ko lang ay yung pagkakulang sa development ni Crisostomo Ibarra. Di ko masyadong nakita ang development ng karakter niya. Lalo na yung pagkawala niya ng tiwala sa sistema (bago siya iligtas ni Elias sa kulungan). Kaya di ko alam yung naging motibo niya ng pagsali sa NLA.

Disenyo

Maganda yung entablado. Napaka... strategic, kasi ansayang paglaruan ng dimensyon ng entablado. Sa isang minuto ito ay isang poshparty, biglang magiging talahiban na may mga sundalong nanghahabol ng gerilya.

Pangkalahatan

Natuwa ako at na-experience ko ang Filipino take sa Shakespearean theater. Ang sarap ng pagkakaayos ng lahat, lohikal at swabe ang plot. Swabe na kahit na patong patong ang conflict at complications na kay dami dami, nakukuha pa rin ng audience, at may saysay ang bawat eksena.

Ang galing ng pagkatagpi tagpi ng dula, isang talentong nakukuha lamang sa tindi ng karanasan tulad ng kay Soxie Topacio.

Pero ang isang masasabi kong nagpa-bighani sa akin sa buong dula ay yung pagiging definitively PETA nito: original, collaborative, at substantial.

Di na ko makapaghintay sa susunod nilang produksyon. May auditions daw sila ah. Sana kaya ng schedule ko. Isang malaking goodluck. Magandang gabi!

8.5 out of 10 stars.

Iba pang post na tungkol sa PETA o kaya naman iba pang review.

Ayun, para sa mga nais manood, ang ticket ay 300PHP lamang, at ito ay tatakbo mula Hulyo 18 hangang Agosto 24, tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo, 10am at 3pm. Para sa ibang impormasyon tumawag sa 725-6244, 410-0821, 0917-8154567, 0917-5642433, o mag-email sa petampro@yahoo.com. Iba pang impormasyon dito.