ni proletartist
Alam mo yung eksaktong oras na kakababa mo pa lamang ng rollercoaster, tapos tawa ka ng tawa, buhok mo kay gulo, nanlalambot pa ang hita, sinisigaw ang "isa pa! isa pa!" pero malalaman mo na lamang na ang haba pa ng pila kaya maghintay ka na muna?
Ganun na ganun yung naramdaman ko pagkatapos ng The Threepenny Opera.
The Threepenny Opera
by Bertolt Brecht and Kurt Weill
directed by Anton Juan
Ang The Threepenny Opera ay tungkol sa labanan ng bossing ng mga pulubi at ng bossing ng mga magnanakaw ng London, si Jonathan Peachum at Maceath, nung pinakasalan ni Maceath ang anak ni Peachum. Kinalaunan, nalaman ni Peachum na kaibigan ni Maceath ang komisyoner ng mga Pulis, pero ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at koneksyon para mahuli si Maceath at mabitay ng tuluyan. Ngunit, sa hulihan, nagka-deus ex machina sa panig ni Maceath, at naligtas siya sa bitay.
Iniisip ko talaga kung paano magiging objective sa pag critique ng dulang ito. Pero kung hihintayin ko pa ang pag pawi ng tuwa sa pagkita nito, magiging untimely na ang post na ito. Kung papuri ang sasabihin, isa, dalawa o tatlo na lamang ang sasabihin ko:
Ang talento ni Dr. Anton Juan ay isang napakasarap na bagay na maipamahagi sa publiko. Ang husay ng kanyang pag habi ng mga eksena, na naramdaman talaga ng madla ang pagka-Brechtian ng buong show. Na-alienate kami ng lubusan. Sobrang na-alienate ako na paglabas ko ng teatro ay tila mixed-emotions ako: di ko alam kung matutuwa ba ako sa ganda o malulungkot sa mga katotohanang tinatanggap ng dula.
At ano ba itong mga katotohanang ito. Ginawa ang dulang ito nuong mid 20th century, pero ang nakakalungkot lang (pati na rin ang galing ng pag-execute) dahil nai-kabit pa rin nila ang 1950s sa atin ngayon, na tila wala nang pagbabago sa mundo, sa pulitikal at ekonomikal na arena. Ang dula nga naman ay isang Marxistang komentaryo sa kapitalismo, pero ang mga kabulukan nito ay nahalintulad pa rin nila sa kabulukan ng sistema natin ngayon.
Tulad na lamang ng pagka-salba kay Maceath, ang bidang kontrabida. Bibitayin na siya, gawa ng mga kasalanan niyang pagnanakaw at pagiging babaero, at kinasuklam siya ng mga tao gawa nun. Ngunit nung nawala ang pagpataw ng bitay sa kanya, nag 360-degrees ang mga tao at biglang nawala na rin ang kanilang galit. At ito ang karumaldumal na sinabi ni Maceath (isa na lamang itong paraphrase, patawad):
"If you are going to kill a thief, you have to kill all thieves. And what does it matter if the government saved me? The people will forget, the people will forgive. Just give time."
Na tila sinasabi na kung papatayin mo ako, patayin mo na rin ang bangko, na magnanakaw din naman. At sa atin, patayin din dapat ang mga pulitiko, e nagnanakaw din sila. Pero totoo nga ang sinasabi niya, na makakalimutan din naman ng mga tao.
Tingnan mo ang Garci.
Tingnan mo ang ZTE.
Ang nakakagulat doon ay nakalimutan ko nga talaga ang mga iyon. Kung hindi lang nila isinulat sa tatlong kilometrong rolyo ang lahat ng kasalanan ni Gloria, hindi ko maiisip na,
Ay oo nga ano nang nangyari sa kanila?!
Wala. Walang nangyari. Nabaon na lamang sa limot. Kasi dumating si Hayden, kasi dumating si Manny Pacquiao, kasi dadating si Diego Luna ngayong Oktubre. O kasi namatay si Michael Jackson, yung Farrah Fawcett, at Cory Aquino. Kasi namatay ang National Artist Award. Kasi National Artist na si Carlo J Caparas: To God be the glory.
Kita mo nakalimutan mo na na tungkol ito sa Threepenny.
Ginusto ni Brecht na maging isang satiric dramatisation ang dula sa tanong na kung sino ba talaga ang tunay na magnanakaw? Ang nagnanakaw ng bangko, o yung may ari ng bangko?
Pero sa tingin ko, isang satire ni Anton Juan ang buong dula sa kung gaano kaliit ang utak ng mga tao.
Kung gaano tayo kabilis makalimot. Kung gaano tayo kabilis mauto at maloko. At pagkatapos ng lahat, kahit na alam na nating na-uto tayo, nanakawan at naloko. Papatawarin natin at kakalimutan na lamang. Kasi nga maliit ang utak natin. Mabilis tayong mawalan ng interes. Mabilis tayong makalimut. Mabilis ang epekto ng dibersyon. Nakakalimutan nating isa lang itong palabas. Paulit ulit, paikot ikot. Di na nga natin natatandaan yung "Tama na, Sobra na, Palitan na!" eh. Yun nga ba ulit yun?
Pinapaalala lang sa atin ni Dr. Anton Juan ang lahat ng iyon. At, dahil dito, maraming maraming salamat sa kanya.
Ensemble yung cast, at ensemble din talaga ang buong pagtatanghal. Dama mo na walang nang-u-upstage. Kung meron man, tulad ni Ricci Chan, ito ay isang hudyat na kulang sa energy ang ibang tao. Kaya kung meron man akong kritisismo sa dula, ito ay ang pag-fluctuate ng lebel ng enerhiya ng ensemble.
Isang magarbong palakpakan para kay Ricci Chan na ang tindi ng gamay sa manonood. Ang kanyang patented comedic timing ay naandun pa rin. At isang standing ovation para kay Bituin Escalante, nakakayanig ang kanyang mga kanta, at, mas mabuti pang i-quote ko ang aking kaibigan nung sinabi niya si Bituin Escalante ay ang
Naglalakad na Presence
At si Ricci Chan daw ay ang
Naglalakad na Energy
At para na rin sa buong cast, kay Frances Makil-Ignacio, Teroy Guzman, Kalila Agilo, Onyl Torres, Cholo Gino, at sa iba pa, mahusay po.
Maraming salamat sa mahusay at matalinong pagtatanghal.
----
Minsan lamang sa buhay ng tao mararamdaman ang sabay na bagsik ng kasiyahan at kalungkutan. At kung minsan pa, saglit lamang ang mga ito. Pero palagi, sa lahat ng nakaranas, ito ay isang hudyat na nabuo na ang isang parte ng buhay nila.
Nalulungkot lang ako sa mga di nakapanood. Ang hiling ko na lamang talaga para sa inyo ay magkaroon ng re-run ang rollercoaster ng The Threepenny Opera, ang opera ng mga pulubi.
10 out of 10.
great review! :)
ReplyDeleteSalamat Gibbs! :)
ReplyDeleteanuver. me poster nito sa labas ng office namin at ang lagi ko lang naiisip. "Sana lang kaya kong mag-apparate from Ortigas to Makati" kung in time to watch this. Haaay.
ReplyDelete