Sunday, August 23, 2009

Lulu

ni V

Nais kong bigyan ng eksplanasyon kung bakit tila namatay ang salamangkang dapat sana'y lalamon sa akin noong ako ay nasa loob ng tanghalan upang manood ng Lulu. Minabuti kong panoorin ang Filipinong bersyon ng dula upang masaksihan ko kung paano imamaniobra ng direktor ang dulang kung saa'y ginawa nyang lalaki ang pangunahing karakter. Umaasa rin akong mas matino ang kalalabasan nito kaysa Ingles na bersyon nito... ngunit ako'y nagkamali.

Muli, ipepresent ko via bullets ang aking mga saloobin.

1. Masyadong malaki ang entablado. Kitang-kitang may pera ang DUP upang makagawa ng ganung uri ng set ngunit lubhang naging malaki ito para sa dula. Binigyang kahulugan ng dulang Lulu ang terminong underutilized. Bagamat maraming passages sa entablado kung saan sumusulpot na lamang bigla ang iba't ibang props, maging mga artista, nais kong ipoint out na hindi ito naging consistent. Sa unang Act ng dula ay nagmistulang blanko ang entablado. May paminsan-minsang gimik ngunit masyadong bitin. May mga bahaging sumusulpot ang Ring Master sa ilang bahagi ng stage ngunit di ito naging consistent. Kulang kung baga.

2. Wala silang konsepto ng maayos na ilaw. Nagmukhang kinailangan lang na ilawan para lang masabing nailawan. Nagmistulang "indie film" sya o naghari ang kadiliman sa palabas. May mga pagkakataong nais ko nang tumayo sa aking upuan at maglagay ng emergency light sa gitna ng entablado upang makita ko lamang ang mga artista. Na isang dahilan para isulat ko ang no. 3

3. Sabog kung sabog ang blocking. Dahil nga sa di matinong ilaw, umasa akong maisasalba ito ng blocking. Naniniwala akong kayang iligtas ng matinding blocking ang isang dula kahit pa 4 na par 64 lang ang gamit nila. Ngunit ang kakulangan sa technical ay lalong pinalubha ng blockings. Kitang-kita na malaki ang entablado at di nakasipat ang ilaw. Masyadong naging magalaw ang mga artista upang ma-utilize lang ang space. May mga scene na masyadong off tulad nung bahaging may inilabas na dresser. Masyado syang downstage at nakakasilaw ang ilaw. Mukhang lahat ng ilaw na dapat sana ay inilaan sa palabas ay napunta lang doon sa dresser. Di rin naman nagamit ang dresser ng mabuti. 90% of the time ay nandun lang iyon upang magset ng mood na nasa dressing room. Nagamit lang ito ni Tuxqs noong nananalamin sya at napatoon sya kung saan naging epektibo naman ang paggamit ng reflection. Naging masyadong nakakasakit sa mata ang ilaw ng dresser na di na naappreciate ng manonood ang layunin ng direktor.

4. Maraming Unnecessary gimmicks. Nandyan na yung net, mga lobo, paglabas ng Ring Master sa kung saan-saang lugar, mga tali, at ang mga entry points sa entablado. Dahil nga sa hindi namaintain na ganun kaquirky ang dula, naging off ang mga gimmicks na ito. Yung lobo ay nahulog lang sa isang specific na bahagi ng audience, di pa sa gitna at kitang-kita pa yung mga black bags na pinaglagyan ng mga lobo. Nagdulot din ito ng maraming pagputok bago pa man ito ihulog o kailanganin ng dula na naging isang giveaway na hindi naging careful ang mga staff nito. Ang masasabi ko lang na gimmick na nagustuhan ko ay yung swing. Napagkagiven man ng purpose nito ay naging epektibo naman ito kumpara sa iba pang mga gimmick na naging kalunoslunos ang kinalabasan.

5. Flat ang dula. Naging flat line ang dula mula sa umpisa dahil sinimulan na kaagad nila ito ng mataas. Nagsimula sila kaagad sa galit at pagtataray. Dahil dito, di na nabigyan ng pagkakataon ang dula na maggraph or mag-elevate. Naging isang malaking plateau ang kwento. Di na tuloy nabigyan rin nagpagkakataon na bumaba pa ang mga moments ni Lulu. Lahat ay flat. Lahat galit. Lahat tarayan. Walang downtime. Lahat bara-bara.

6. Walang lalim ang mga karakter. Hindi sila mga tao. Lahat sila ay alam mong karakter ng isang mundong hindi totoo. Tulad ng nabanggit ko, lahat sila ay flat kaya naman hindi na nagdevelop ang mga karakter. Mukhang kulang sa understanding ng characters ang mga artista, mukhang walang guidance na dapat magsilbing pising mabigyan ang koneksyon sa bawat karakter ng dula. Bawat aktor ay may sariling mundo at maaaring bumuo ng kanyang sariling kwento. Walang sense of unity ika nga.

7. Tila hubaran ang naging crucial point ng dula bagamat ito'y di naman kailangan. Nagmukhang selling point ng dula ay ang unnecessary nudity at homosexuality. Mukhang freshmen lang ang naging target market nila. Naniniwala ako na ang ang paghuhubad sa entablado ay dapat lamang gawin kung ito ay kinakailangan. Sa kaso ng Lulu, hindi ko naramdaman na dapat may maghubad dahil hindi naman ako kinundisyon ng dula sa ganitong kaganapan. Hindi ko naramdamang sinasabi sa dula na ito ay necessary. Kung iisipin, maaari itong ipresent ng walang nagpapakita ng laman. Hindi ko mahanapan ng justice kung bakit kailangang maghubad si Andoy at Tuxqs. Maaari nating gawan ng dahilan ngunit ang hinahanap ko ay isang malalim at malinaw na dahilan. Yung tipong dahilan kung bakit naghubad si Kate Winslet sa The Reader o di kaya'y paghuhubad ni James Cameron Mitchell sa huling bahagi ng Hedwig and the Angry Inch. Masyadong hilaw ang karakter ni Andoy upang umasta ng ganun at di ko rin maintindihan kung bakit kailangan maghubad si tuxqs sa kaduluduluhan.

8. Dahil hilaw ang mga karakter , nagmukhang hilaw rin ang pag-arte. Alam kong magagaling ang mga artista sa Lulu ngunit di nabigyan ng pagkakataon ng dula na ipamalas ang kanilang taglay na kagalingan. Si JC Santos na siguro ang isa sa mga may matinong pagganap sa kadahilanang may nakita naman akong development ng karakter nya, bitin man, kailangan pa rin itong pansinin dahil sa iilan na lang naman ang maaaring purihin sa dula. Si Jojit Lorenzo naman at Andoy Ranay naging consistent rin in terms of energy ang stage presence. Si Andoy Ranay na siguro ang pinakapaborito ko sa dulang ito. Naibalik nya ang ngiti sa aking labi sa kabila nang kaawaawang execution ng palabas at naantig nya rin ako kahit papaano sa bahaging nagmamakaawa na sya kay Lulu. Medyo sablay nga lang sya sa mga huling bahagi kung saan dapat sana'y sugatan sya ngunit nakatayo pa rin sya na tila walang gasgas na natamo. Si Michael Ian Lomongo naman ay nagfade na lang basta sa entablado. Si Acey Aguilar naman ay nagmistulang kaawa-awang pangitain sa entablado. Mukhang nacast sya dahil lamang sa tinatawag nating face value. Nahihirapan ako sa kanyang pagsasalita na tila naninikip ang dibdib ko at gusto ko na lamang basahin ang mga linya para sa kanya. Epektibo man sya sa bahaging may sayawan, kung sa pag-arte lamang ang pag-uusapan ay di lang sya basta tagilid, napataob na siguro nya ang bangka.

9. Ang tanging naenjoy ko sa dula ay yung dance sequence. Marahil epekto na rin ito nang pagiging isang choreographer ni Dexter Santos. Di ko maikakaila na humanga ako sa ginawa nyang choreography sa The Threepenny Opera at natuwa rin ako sa dance sequence sa Lulu. Ngunit bilang isang direktor? Sa ipinakita nya ay masasabi kong hindi pa talaga sya handa. Oo, may mga moments of beauty pero as a whole sabog kung sabog. Halatang maraming thoughts na gustong ipasok ngunit hindi naorganize ng mabuti. Ito ang karaniwang kasalanan ng mga baguhang direktor, naeexcite sa isang specific na scene kaya naiisang tabi ang kaubuuan ng dula.

10. At para naman kay Tuxqs Rutaquio na nagbigay buhay kay Lulu, nais kong ipahawatig na wala na akong maisip pang artista na bababagay sa role kundi sya. Alam kong magaling syang artista at alam kong kaya niyang bigyang hustisya ang karakter na Lulu ngunit sa aking napanood, mukhang nalunod na lang basta si Lulu sa kasungitan at init ng ulo. Pakiramdam ko'y di sya nagabayan ng maayos ng direktor na naging isang malaking kasayangan. Naniniwala akong kahit gaano pa galing ang artista basta kulang sa direksyon ay di pa rin ito sapat upang makabuo ng isang di malilimutang pagtatanghal. Di ko nakita kung bakit halinang-halina ang mga lalaki sa kanya, di ko naramdaman ang oozing sexuality na maaaring magpalibog sa mga kalalakihan sa isang sulyap lang sa kanya, hindi ko rin mahanap sa aking sarili na makisimpatya sa kanya noong panahon ng kanyang pagbagsak. Hindi nya ako naantig, hindi ako nahalina, hindi ako nagbigay ni isang patak ng pakialam. Ang alam ko lang ay nasa entablado sya, nagbayad ako ng Php200, di ko nga masikmura ang palabas ngunit di ako makaalis dahil sa may mga kasama ako at bilang respeto na rin sa mga kapwa ko alagad ng sining na naghirap upang mabuo ang produksyong ito. Di ko man nagustuhan ang palabas, may delicadeza pa rin naman ako.

Bilang kabuuan ng aking review, nais ko lang ulitin na maaari pa sanang pagandahin ang dulang Lulu kung hindi lang masyadong nagbank ang produksyon sa shock value na makukuha nito sa pagbibilad ng mga hubad na katawan sa publiko. Maaari ko ring ikumpara ito sa mga baguhang Indie films kung saan walang konsepto nang ilaw, tungkol sa kahirapan, homosekswalidad, prostitusyon ang mga karaniwang paksa, at may walang pakundangang hubaran.

Bagamat meron pa rin naman itong saving grace kahit na naging tunay na kalunoslunos ang nasabing presentasyon, bibigyan ko ang Lulu ng rating na

I / V

The Threepenny Opera

ni V

Alam kong medyo huli na ngunit pinili ko pa ring kauna-unahan kong entry ang The Threepenny Opera na dinerehe ni Dr. Anton Juan dahil sa isang kadahilanan... so far, ito ang pinakamagandang produksyon na napanood ko ngayong taon.

Upang maging malinaw ang aking review, mamarapatin kong ipresent via bullets ang aking mga saloobin.

1. Pinahanga ako ni Dr. Anton Juan sa paraan ng pagdidirehe nya ng nasabing dula. Di tulad ng iba, hindi nasira ang gawa ni Brecht. Hindi nalunod ang mga manonood sa semiotics na karaniwang kasalanan ng mga nangangahas na imaniobra ang teksto ni Brecht. Simple ngunit epektibo ang naging interpretasyon ng dula. Para sa akin, di magiging kasing ganda ang kinalabasan ng dula kung iba ang nagmaniobra nito. Isang matinding papuri sa iyo Dr. Anton Juan.

2. Tunay na tumatak sa aking alaala ang performance ni Bituin Escalante bilang Pirate Jenny. Sa bawat paglabas nya sa entablado ay dumediretso ang aking mata sa kanya dahil sa kanyang matinding stage presence. Ngunit bagamat matindi ang kanyang stage presence ay di naman sya nang-uupstage. Ang katangiang ito ang tunay na naging dahilan nang paghanga ko sa kanya. Di ko na pupurihin pa ang galing nya sa pag-awit dahil sa tingin ko ay given na yun.

3. Nakakatuwa si Ricci Chan kung sa nakakatuwa, maganda rin at powerful ang boses nya, ngunit kung may isang bagay man ang dapat punahin sa kanyang performance yun na siguro ang hilig nya sa pang-uupstage ng kapwa artista. Nagmistulang isang naglalakad na salitang UPSTAGE si Ricci Chan sa The Threepenny Opera. Alam kong magaling sya at punong-puno ng talento ngunit mas naging maganda sana kung di nya nilalamon ang mga karakter na syang dapat ay bida sa isang specific na scene. Maliban sa kanyang hilig sa paglamon ng kapwa sa entablado ay wala na akong masasabi pa sa kanya. Isa syang tunay na talentadong artista, sana nga lamang alamin nya kung kelan dapat umariba at kung kelan dapat magpaubaya.

4. Hindi ko alam kung bakit pero tuwing nawawala si Mr. Peachum ay inaabangan ko ang kanyang muling pagbalik sa entablado. Siguro ito ay epekto ng napakaganda nyang pagpasok sa simula o di kaya'y sa nakakatuwa lang talaga ang kanyang pagkatao, kung ano man, nais kong papurihan si Onyl Torres para sa isang napakaepektibong pagbibigay buhay sa kanyang karakter.

5. Hindi ko rin pedeng isang tabi si Cholo Gino na gumanap bilang Mrs. Peachum. Oo, lalaki sya at babae ang kanyang ginanapan at maliban pa doon ay nabigyan nya ng hustisya ang kanyang karakter. Habang nanonood ako ay nafeel ko nang lalaki sya ngunit patuloy akong nagdududa dahil sa flawless nya performance. Ang mannerisms nya ay dead on at ang singing voice nya at wagi kung wagi. Isang pagpuna lamang ang nais kong banggitin, kung minsan lang ay nilalamon sya ng kanyang co-actors pero nababawi nya naman agad ang atensyon ng mga manonood.

6. Kung meron akong isang aspeto ng play na nais kwestyonin, yun na siguro yung paglabas ni Lexie Schulze na gumanap na Sukey Tawdry sa entablado. Alam kong bahagi ng dula si Sukey Tawdry ngunit sa tingin ko ay hindi na necessary ang pagsulpot nya sa entablado. Siguro ninais ng direkto na ipakita ang contrast or pagpapasa ng korona ni Pirate Jenny or whatever ngunit sa tingin ko ay di na kailangan pang kumuha ng artistang magbibigay mukha sa isang taong nag-exist lang naman sa dula dahil sa ito ay pinag-uusapan ito ng mga pangunahing bida.

7. Si Frances Makil-Ignacio na bumuhay kay Lucy Brown ay nagmistulang isang naglalakad na CONSISTENCY. Di ko naramdaman ni minsan na dinrop nya ang kanyang karakter o di kaya'y nabawasan ang kanyang stage presence. Bagamat di kasing powerful ng boses ni Bituin or kasing smooth ng boses ni Kalila ay umarangkada pa rin sya sa kanyang musical number. Nadala ng galing nya sa pag-arte ang mga notang kailangang patamaan at ito ay isang malaking achievement dahil ibig sabihin ganun sya kagaling.

8. Naging magaling din sina Jerald Napoles at Kalila Aguilos. May kulang lang si Teroy Guzman na di ko matukoy dahil may mga pagkakataong nabobore ako kapag nasa entablado sya. Sa pangkabuuan, panalo ang ensemble ng Threepenny.

9. Di ko maikakailang nakiliti ang aking pagkamakabayan sa mga pasimple at kung minsan at harapang pagtuligsa ng dula kay Gloria. Sa pagsisingit ng mga iskandalong kinabilangan ni GMA ay nabigyan ng isang malinaw na koneksyon ang ating kasalukuyang kalagayan sa kapanahunang nabuo ang nasabing dula. Ang mga paningit na banat ay nagsilbi ring isang hudyat sa akin na nasa Pilipinas pa nga pala ako dahil may mga bahagi ng dula na pakiramdam ko ay nasa Broadway ako dahil sa galing ng mga scenes at transitions.

Napakarami pang dapat banggitin sa The Threepenny Opera ngunit sa mamarapatin ko nang di ulitin pa ang nasabi ng aking co-authors sa blog na ito.

Sa kabuuan ay bibigyan ko ang The Threepenny Opera ng rating na

V / V

Friday, August 21, 2009

Threepenny Opera o Nung Naranasan Namin Ang Jetlag sa PETA


Alam mo yung eksaktong oras na kakababa mo pa lamang ng rollercoaster, tapos tawa ka ng tawa, buhok mo kay gulo, nanlalambot pa ang hita, sinisigaw ang "isa pa! isa pa!" pero malalaman mo na lamang na ang haba pa ng pila kaya maghintay ka na muna?

Ganun na ganun yung naramdaman ko pagkatapos ng The Threepenny Opera.


The Threepenny Opera
by Bertolt Brecht and Kurt Weill
directed by Anton Juan

Ang The Threepenny Opera ay tungkol sa labanan ng bossing ng mga pulubi at ng bossing ng mga magnanakaw ng London, si Jonathan Peachum at Maceath, nung pinakasalan ni Maceath ang anak ni Peachum. Kinalaunan, nalaman ni Peachum na kaibigan ni Maceath ang komisyoner ng mga Pulis, pero ginamit niya ang kanyang kapangyarihan at koneksyon para mahuli si Maceath at mabitay ng tuluyan. Ngunit, sa hulihan, nagka-deus ex machina sa panig ni Maceath, at naligtas siya sa bitay.

Iniisip ko talaga kung paano magiging objective sa pag critique ng dulang ito. Pero kung hihintayin ko pa ang pag pawi ng tuwa sa pagkita nito, magiging untimely na ang post na ito. Kung papuri ang sasabihin, isa, dalawa o tatlo na lamang ang sasabihin ko:

Ang talento ni Dr. Anton Juan ay isang napakasarap na bagay na maipamahagi sa publiko. Ang husay ng kanyang pag habi ng mga eksena, na naramdaman talaga ng madla ang pagka-Brechtian ng buong show. Na-alienate kami ng lubusan. Sobrang na-alienate ako na paglabas ko ng teatro ay tila mixed-emotions ako: di ko alam kung matutuwa ba ako sa ganda o malulungkot sa mga katotohanang tinatanggap ng dula.

At ano ba itong mga katotohanang ito. Ginawa ang dulang ito nuong mid 20th century, pero ang nakakalungkot lang (pati na rin ang galing ng pag-execute) dahil nai-kabit pa rin nila ang 1950s sa atin ngayon, na tila wala nang pagbabago sa mundo, sa pulitikal at ekonomikal na arena. Ang dula nga naman ay isang Marxistang komentaryo sa kapitalismo, pero ang mga kabulukan nito ay nahalintulad pa rin nila sa kabulukan ng sistema natin ngayon.

Tulad na lamang ng pagka-salba kay Maceath, ang bidang kontrabida. Bibitayin na siya, gawa ng mga kasalanan niyang pagnanakaw at pagiging babaero, at kinasuklam siya ng mga tao gawa nun. Ngunit nung nawala ang pagpataw ng bitay sa kanya, nag 360-degrees ang mga tao at biglang nawala na rin ang kanilang galit. At ito ang karumaldumal na sinabi ni Maceath (isa na lamang itong paraphrase, patawad):

"If you are going to kill a thief, you have to kill all thieves. And what does it matter if the government saved me? The people will forget, the people will forgive. Just give time."
Na tila sinasabi na kung papatayin mo ako, patayin mo na rin ang bangko, na magnanakaw din naman. At sa atin, patayin din dapat ang mga pulitiko, e nagnanakaw din sila. Pero totoo nga ang sinasabi niya, na makakalimutan din naman ng mga tao.

Tingnan mo ang Garci.

Tingnan mo ang ZTE.

Ang nakakagulat doon ay nakalimutan ko nga talaga ang mga iyon. Kung hindi lang nila isinulat sa tatlong kilometrong rolyo ang lahat ng kasalanan ni Gloria, hindi ko maiisip na,

Ay oo nga ano nang nangyari sa kanila?!
Wala. Walang nangyari. Nabaon na lamang sa limot. Kasi dumating si Hayden, kasi dumating si Manny Pacquiao, kasi dadating si Diego Luna ngayong Oktubre. O kasi namatay si Michael Jackson, yung Farrah Fawcett, at Cory Aquino. Kasi namatay ang National Artist Award. Kasi National Artist na si Carlo J Caparas: To God be the glory.

Kita mo nakalimutan mo na na tungkol ito sa Threepenny.

Ginusto ni Brecht na maging isang satiric dramatisation ang dula sa tanong na kung sino ba talaga ang tunay na magnanakaw? Ang nagnanakaw ng bangko, o yung may ari ng bangko?

Pero sa tingin ko, isang satire ni Anton Juan ang buong dula sa kung gaano kaliit ang utak ng mga tao.

Kung gaano tayo kabilis makalimot. Kung gaano tayo kabilis mauto at maloko. At pagkatapos ng lahat, kahit na alam na nating na-uto tayo, nanakawan at naloko. Papatawarin natin at kakalimutan na lamang. Kasi nga maliit ang utak natin. Mabilis tayong mawalan ng interes. Mabilis tayong makalimut. Mabilis ang epekto ng dibersyon. Nakakalimutan nating isa lang itong palabas. Paulit ulit, paikot ikot. Di na nga natin natatandaan yung "Tama na, Sobra na, Palitan na!" eh. Yun nga ba ulit yun?





Pinapaalala lang sa atin ni Dr. Anton Juan ang lahat ng iyon. At, dahil dito, maraming maraming salamat sa kanya.

Ensemble yung cast, at ensemble din talaga ang buong pagtatanghal. Dama mo na walang nang-u-upstage. Kung meron man, tulad ni Ricci Chan, ito ay isang hudyat na kulang sa energy ang ibang tao. Kaya kung meron man akong kritisismo sa dula, ito ay ang pag-fluctuate ng lebel ng enerhiya ng ensemble.

Isang magarbong palakpakan para kay Ricci Chan na ang tindi ng gamay sa manonood. Ang kanyang patented comedic timing ay naandun pa rin. At isang standing ovation para kay Bituin Escalante, nakakayanig ang kanyang mga kanta, at, mas mabuti pang i-quote ko ang aking kaibigan nung sinabi niya si Bituin Escalante ay ang
Naglalakad na Presence
At si Ricci Chan daw ay ang
Naglalakad na Energy
At para na rin sa buong cast, kay Frances Makil-Ignacio, Teroy Guzman, Kalila Agilo, Onyl Torres, Cholo Gino, at sa iba pa, mahusay po.

Maraming salamat sa mahusay at matalinong pagtatanghal.

----

Minsan lamang sa buhay ng tao mararamdaman ang sabay na bagsik ng kasiyahan at kalungkutan. At kung minsan pa, saglit lamang ang mga ito. Pero palagi, sa lahat ng nakaranas, ito ay isang hudyat na nabuo na ang isang parte ng buhay nila.

Nalulungkot lang ako sa mga di nakapanood. Ang hiling ko na lamang talaga para sa inyo ay magkaroon ng re-run ang rollercoaster ng The Threepenny Opera, ang opera ng mga pulubi.

10 out of 10.

Tuesday, August 18, 2009

A Penny for My Thoughts on The Three Penny Opera


(Sorry sa pun :p )

Hindi na kailangan banggitin ang mga detalye at sirkumstansya nang kung bakit at paano
nag hinawa ni Dr. Anton Juan na iproduce ang Three Penny Opera.

Makikita na ito sa pag-galang ni Juan sa panunulat ni Bertlot Brecht at sa paglalapat ng mga maliit na detalyeng nagrereference sa kasalukuyang mga kakatawang bagay sa ating bansa sa usapin ng ekonomiya, pulitika at sining.

May mga verbal na hirit at mga maliit na props na tumukoy kay Gloria Arroyo at sa isyu ng National Artist award. Mahusay ang pagkakasingit ng mga ito sa dula.

Isang pagpupugay kay Teroy Guzman, Kalila Aguilos, Bituin Escalante at iba bang mga nagsipag-ganap. Consistent ang kanilang performance sa buong dula. Kapanipaniwala rin ang kanilang mga kilos at accent bilang mga karakter na taga-London.

Magaling ang comedic timing ni Ricci Chan bagamat may mga pang-ensemble na bahagi ang dula na na-uupstage nya maging ang mga bida.

Pumapalya rin ang mga accent nila Ryu at Katte Sabate na dapat ay Scottish at Liverpool (ata) ngunit naging mistulang Jive (na lumabas noong pa lamang 1960's). Bukod dito, natatangi ang pagbaba ng kanila enerhiya sa entablado kumpara sa kanilang mga kasama.

Friday, August 14, 2009

Sasadyain: The Threepenny Opera



The Threepenny Opera
ni Bertolt Brecht at Kurt Weill
sa direksyon ni Anton Juan
isang produksyon ng World Theater Project

Ngayon, sa Sabado at sa Lingo, ipapalabas ang isa sa mga pinaka-maganda at nakaka-insultong musical sa balat ng lipunan. Ang The Threepenny Opera. Nakabili na kami ng ticket para sa Gala show sa Linggo, at kung papalarin ka nga naman, ang mga early bird tickets ay 50% off. 500PHP yung Presyo para sa gala, nakuha ko ng 250PHP isa. Opo, sooobrang excited ako para panuorin ito sa dalawang rason:

1. Si Brecht ang nagsulat, parang minumura mo ang Society sa matalinhagang paraan.

2. Isa itong musical. Ni Brecht (at Weill). Para mong minumura ang Society sa matalinhagang paraan gamit ang mga nota. (nota as in note, you silly)

Ang tawag sa The Threepenny Opera ay ang "opera of beggars," at ito mismo ay isang satire sa tradisyonal na opera at operetta at para na rin gumawa ng bagong musical theater (noong panahong yun) gamit ang mga teorya ng dalawang Alemang artista na sina Kurt Weill at Bert Brecht. Isang marxistang critisismo patungo sa kapitalismo ang dula. Kaya naman, nuod tayo! :)

Para sa mga impormasyon, dalaw lang po sa


Ang ibang content ng post na ito ay galing sa:

Saturday, August 8, 2009

Naaalala mo pa ba ang "Tama na, Sobra na, Palitan na" ?

Nais ko lang maglabas ng sama ng loob sa mga nangyayari ngayon sa ating bansa. Matinding pambabastos na ang ginagawa ni Gloria Macapagal Arroyo sa sining, at sa buong mamamayang Pilipino.

Maari po ay mag browse through po kayo sa mga link sa baba po. At pagnilaynilayan kung hanggang kelan kaya tayo papayag dito. Hanggang saan po kaya abot ng ating pagkatao ang ganitong klaseng pambabalahura. Perang binabayad mo, sinasayang lang sa ibang bansa. Tax na binabayad mo, pinapanglasing lang ng presidente mo. Ang sining na pinangangalagaan at pinaghihirapan ng mga artistang pilipino, dinuduraan ng basta basta lamang.

Kelan kaya tayo titigil sa pagka walang bahala at sasabihin ang sinabi natin kasama si Tita Cory nuong panahon ng isa pang diktaturya?

Naaalala mo pa ba ang "Tama na, Sobra na, Palitan na" ?

Bisitahin po at magnilaynilay:

http://gibbscadiz.blogspot.com/2009/08/your-taxes-and-my-taxes-paid-for-her.html
http://gibbscadiz.blogspot.com/2009/08/surely-they-cant-all-be-wrong.html


Maraming salamat po kay Gibbs Cadiz para sa imaheng nasa itaas.

Wednesday, August 5, 2009

DUP's Lulu - Saan Ka Nagkamali


Sa isang critique ng kahit anong dula, iyon ang kadalasang kong tanong. "Saan ka nagkamali." Para ng sa gayon ay malaman natin kung ano ang parte na mabibigyan ng kaayusan, at kung anong parte ang maayos na para mas gumanda. Pero para sa Lulu, may mas angkop atang tanong:

Bakit panget ang dulang Lulu?

Sa tanong na iyon meron nang katotohanang tinanggap, na panget nga ang dulang Lulu. Pero kelangan pa rin itanong kung bakit para tuluyang magkaroon ng pagkakaintindihan sa mga bakit ng buhay. Kasi kung hindi natin ito lilinawin, aba'y ako'y isang gagong nanlalait na lamang ng basta basta. Pero bago ang lahat, simulan natin sa simula.

Ngayong Agosto 5, 2009, nagbukas ang pintuan ng Guererro Theater sa may AS, sa UP kong mahal, para sa pagtatanghal ng Lulu. Isang produksyong tinayo ng Dulaang UP (DUP) para sa madla. Sa aking pag sabi ng madla, ang ibig sabihin ko ay mangilan-ngilang alumni, kami yun, at isang tambak ng mga freshman na nais magitla sa dulang may mga nakatiwangwang na dede. Pero mamaya na iyang paguusap tungkol sa dede, o sa mas mainam na pangalan, Lulu. Lulu na ang tawag namin sa mga dede ngayon. Pero nag digress ako.


Lulu
Dulaang UP
Direction and Choreography: Dexter M. Santos
Filipino Translation: Joel Saracho


Ang titulong Lulu ay hindi dula ni Frank Wedekind, maaaring ginamit ng DUP ito bilang umbrella title para sa dula ni Wedekind. Si "Lulu" ang babaeng binibida ng German para sa dalawa niyang sikat na dula, ang Earth Spirit at Pandora's Box. Sa dalawang dulang ito, pinapakita ang istorya ng isang babae (hint: Lulu) sa kanyang pag-angat sa lipunan gamit ang kaniyang libog o sekswalidad. At kinilala si Wedekind sa ganitong klaseng mga dula, ang pagbuwag o pagkulitas ng mundo ng Lipunan o sa mga prinsipyo ng bourgeois (kadalasan ay patungo sa sex). Sa staging ng DUP, merong english show at tagalog show. Ang english show ang pinanood namin.

Kilala din si Wedekind bilang isa sa mga manunulat na nag bigay daan sa Expressionism sa teatro. Ang movement na ito ay , mula sa salitang 'expression,' nag paparamdam ng pagiging buhay o nagpapadama lang talaga ng kahit ano sa manonood, taliwas sa pagiging pisikal at realistiko. Kaya ko ito sinasaad ay para may punto tayo ng pagkukulatis ng nasabing dula. Para hindi ako isang poser na nagsasabing ay chaka yung play yuck.

Hindi ko masabi ng sigurado kung sino ba dapat sisihin at chaka-yung-play-yuck. Maaaring kasalanan iyon ng bida mismo, si Che Ramos bilang Lulu. Well, hindi niya kasalanan per se, kasalanan lang sa pag-cast sa kanya. Aasahan mong ang taong gaganap sa bida ni Wedekind ay punong puno ng Libog with a capital L, punong puno ng andak, ng swabe, ng alindog. Pero ni isang iota ng libog, wala akong naramdaman. Kung kaya't nung ikalawang acto na, pinalawit na nila ang kanyang utong. Para ata pisikal na ang pagpaparamdam na may libog siya. Ay naku andami nang spoiler. May tatlong babaeng maghuhubad ng buo. Bawal camera, patawad.

Tinanong ko sa sarili ko at sa aking mga kasama kung ano kaya ang kulang kay Lulu. Tapos napagtanto namin, kulang siya sa desire. Kulang siya sa objective kung bakit siya isang sexual na tao. Kulang ng dahilan kung bakit nag papakamatay ang mga lalakeng nabibighani niya. KULANG. Marahil ay sa boses niyang malalim na naka-modulate pero walang emosyon, isang trade-off sa ibang actor. Maaari ding sa pagka-clumsy ng kanyang mga galaw na tila walang gracefulness na lumapit sa kanya sa kanyang paglaki. Pero hindi ko lang talaga makita kung bakit magpapakamatay ang mga lalake para sa kanya, maliban na lamang sa katotohanang nakasulat iyon sa script. Marahil, ito na ang isang malaking ka-pilayan ng dula.

Para sa kin, di din niya nagamay ang pag deliver ng lines na maigi. mahahaba ang linya nila, ma ha ha ba. At aasahan mong kahit papaano ay magkakabuild up o di naman kaya mareretain ang interes namin. Hindi e. Ang bilis mawala ng energy ng kanyang mga dayalogo na nawawala na ang pansin ko sa kanya at nalilipat na sa nipples niya. At bading ako, ano ba! Mas mainam pa atang kay Angeli Bayani yung role. Mas alluring siya at sexually engaging.

Pero maliban kay Lulu, bakit kaya panget ang dulang ito? At natanto ko na ang root. Oo, pwede nating kulitasin pa ang tunog, actually mainam ang tunog nila may oomph at dama mo talagang expressionist. Mainam din naman yung ilaw na kahit paminsan minsan ay sablay. Mainam din ang ibang artista, tulad ni Angeli Bayani at nung gumanap na tatay tatayan ni Lulu (hindi ako bumili ng programme, patawad. Bumibili lang kasi ako pag nagandahan ako ng sobra). Huwag na nating pansinin ang katotohanang pagkatapos ng ilang sandali ay nawawala na ang novelty ng british accent ng ilan, at nagiging monotone na rin ang kanilang energy level. Huwag na rin nating pansinin ang katotohanang sloppy ang acting ni Alva. Pero saan ba talaga kaya nagkamali ang dula. Tama. Sa direksyon nga. Paano?

Una ay sa atake. Para sa akin, ang panget ng pag establish ng mga eksena. Ang panget ng pag establish ng mga eksena. Isa sa mga kahindik hindik at awkward na eksenang ginawa niya ay ang pag pasa pasa kay Lulu sa bar. Oo, alam naming isa itong device para ipakita ang metaphor na pinagpapasahan si Lulu. Pero ang panget niya aesthetically. Ang gulo kasi masyado, di lang sa eksena pati na rin sa dayalogo, nagiging muffled kasi yung boses, at pati na rin, gawa ng blocking, di na napapansin yung tao sa likod. Parang gusto lang talaga kasi maging spectacle. Ang panget ng mga paglalaro niya sa entablado na kung minsan ay nasusuya na lang kami. Ang pagsaksak pa ng mga spectacle, sumusobra na na di ko kinakaya. Nakakaumay.

Sige yung pinaka magandang eksena na lang ang sasabihin ko.



Ang panget din nung atake ng direktor sa mga eksenang may mga nagtatagong mga karakter sa paligid. Kasi, halatang halatang ginagawa lang talaga nila yung mga yun dahil nakasulat sa script. Kaya kinakagalit ko yun, bilang manonood. Kasi wala akong makitang objective sa mga karakter ng dula. Walang logic ang kanilang ginagawa. Nawawalan ng logic dahil sa kanilang pagkasloppy.

Ayaw ko pa yung pag aadapt ng dula. Sa pangalawang akto ba naman, naging interactive ang dula, e putang ina, di ko na nga masundan yung buong play dahil sa pagka gulo nito, pinapapili pa ako. E yung pagpipilian daw ay kung mamamatay o hindi si Lulu, at nung pinapatayo ang taong nais mamatay si Lulu. Aba tayo ako agad. Para lang matapos na ito. Tapos biglang curtain call pagkagawa ni Lulu nung gusto ng audience (na hanggang ngayon di ko pa rin maintindihan kung ano), e anu ba yun wala man lang pasabi o kaya denoument man lang e tangina kaka-climax lang. Wala. Kung gagamitan natin ng metaporang angkop para sa Lulu, maaari nating sabihing ako ay nakipag-talik sa isang matandang lalake, pero kahit gano kalambot ang kaniya, nagawa pa rin niyang ipasok, pero kahit anong galaw o tulak ang gawin, walang maramdaman ang kahit sino sa amin.

Speaking of climax, yun pa. Umasa sila masyado sa tunog at ilaw para iparamdam ang climax. Napa ugh na lang ako.



Kahit na panget ang buong dula, may mga notable na pagtatanghal tulad ni Bb. Angeli Bayani. Mainam ang kanyang pagganap sa mapaglaro at curious na babae. At pati na rin kay Paolo O'Hara, kahit na masyado siyang pinoy para sa role, pero para sa kin lang naman yun.


----


Di ko sinasabing wag kayong manood, sinasabi ko lang ay bago ka manood, itanong mo muna sa sarili mo kung handa kang gumastos ng 250PHP para sa dulang:

A) Kahindikhindik sa pagkapanget; o
B) may hubad na katawan ng tatlong babae ang ipapakita.

Dipende lang naman talaga iyon sa kung paano mo titingnan e. Pero marahil titingin ka lang rin talaga sa exit at pagninilaynilayan kung kelan ang matamis na panahong makakalakad ka patungo dun.

Dulaang UP's Lulu: 3 out of 10

Excited na akong makitang si Tuxqs Rutaquio ang gaganap sa filipino version, isa siya sa mga paborito kong actor e. Sa August 12 yung opening nung Filipino version, tara nuod ta! May isa pang adaptasyon sa gawa ni Wedekind! Ang musical version ng Spring Awakening, gawa ng Atlantis Productions. Sa Setyembre. Tara nood tayo!