Mainam na ang unang rebyu sa Proletartist ay ang tungkol sa Virgin Labfest (VLF) gawa ng ito ay ang pagpapanganak din ng mga gawa ng iba't ibang manunulat na miyembro ng Writer's Bloc. Ang VLF ay isang taunang pagpapalabas ng mga bagong sulat na mga dula. Kadalasan ay dalawang linggo ang pagtakbo ng pestibal na ito, bawat pagpapalabas ay may tatlong maiikling dulang tumatalakay sa iba't ibang paksa.
Gawa ng hapit ako sa schedule (deadline sa trabaho, freelance work, mga kliyenteng banyaga), isa lang ang set na napanood ko kasi Sabado ito, 3PM, at maluwag pa ang LRT-2: Ang It's Complicated set na binubuo ng Ang Mamanugangin ni Rez, Salise, at So Sangibo A Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman. Mula sa titulo ng set, ang tema ng tatlong dulang ito ay ang eksposisyon at pag-sasaliksik sa pagka-tagpitagpi at pagkabuhol-buhol ng mga relasyon ng tao. O sa madaling salita, ano ba ang epekto ng isang tao? Sa bawat dulang napanood ko, tila unti unting hinuhubaran ang mga karakter na akala mo'y matitigas at matatapang. Ang swabe, may bagahe pala. Yung mga ganong tipo.
ANG MAMANUGANGIN NI REZ
ni Clarissa Estuar
sa direksyon ni Paolo O' Hara
Ang unang dula sa set ay ang Ang Mamanugangin ni Rez. Na kung saan, ang bidang si Pinay (tunog pee-nay), na ginagampanan ni Mayen Estanero, ay isang tagabantay ng isang paayusan ng sapatos na ang pangalan ay Mr. Squeekie. Si Pinay ay ang tipo ng babaeng natanggap na na hanggang dun na lang siya sa pagiging tagabantay ng shop nila, gawa ng bente-siyete anyos na siya at di pa rin niya nagagawa ang nais niya talagang gawin sa buhay. Dagdag pa nito, wala pa rin siyang asawa. Ngunit may isa na lang siyang nais makuha: Si Dan (Jerald Napoles), ang tagaayos ng mga sapatos. Ngunit si Dan ay may ibang (mga) babae na kinahuhumalingan. Kasama ng mga kaibigan niyang sila Turing (Chrome Cosio) at Noah (Cris Pasturan), naikukwento niya si Anne (Denise O'hara) kay Pinay.
Una sa lahat, ito na ang pinaka nakakaaliw na dula sa tatlo gawa ng kakulitan ng mga karakter lalo na sila Turing at Noah. Ang character development ni Pinay ay mas naging nakaka-intriga gawa ng kanilang paghirit. Mainam din ang pag pili sa artista para kay Dan, hindi dahil mukha siyang blue-collar, kundi dahil swak ang mga mala-Jolina-Marvin-Agustin moments nila ni Pinay. Pagdating naman sa pag arte, may reklamo ako kay Anne gawa ng blangko ang kanyang pagtanghal kanina. Tila, walang buhay at kung minsan pa'y may pagka stylized. Sa makabilang dako naman, kahit na maikli lang ang pagpapakita sa asawa ni Dan na si Virgie (Amihan Ruiz) nadama ko talaga ang presensya niya sa entablado. Ang bidang si Pinay ay nakakaaliw talaga. Madali kang mapapamahal sa kanya at talagang makikita mo ang pagkatotoo ng pagarte. Paborito kong parte yung tumawa lang siya ng malakas, as in tawang tawa. Kasi dama mo na nang-aapi siya sa tawa at di talaga niya mapigilan.
Pagdating sa direksyon at buong obra, yun nga, mainam ang pagdebelop ng karakter. Mahirap magdebelop ng karakter sa isang maikling dula pero nakaya naman dito gawa ng mga hirit. Pero medyo mahina o kaya naman di masyadong na-execute ng mahusay ang mga metaphor na ginamit sa buong dula. Yung pundidong ilaw na paulit ulit na inaayos at yung pulang sapatos ay di masyadong na-namnam marahil ay dahil sa kalunoslunos na pagarte ni Anne, o kaya naman di universal ang mga metaporang ginamit. Ang isa pang napansin ko ay ang set, masyadong maputi. Na ang weird kasi gawa ng pagkaputi nito, ng shop, ng upuan, ng mga damit ng mga karakter, di nagmumukhang minimalist yung dula, nagmumukang madumi at kalat. Kung ito ang allusyon ng mandudula para sa pagka-humdrum ng buhay, at kaya pink ang suot ni Dan, mainam. Pero mahina esthetically.
Sa pangkabuoan, maganda ang dulang ito, para sa akin ay may puso at pundasyon. Kelangan lang ng matinong execution na pangkalahatan.
SALISE
ni J. Dennis Teodisio
sa direksyon ni Roobak Valle
Sinundan naman ito ng Salise. Ang Salise ay tungkol sa isang baklang nagngangalang Dory (JV Canta), na ninakawan ng laptop ng kanyang callboy na si Rocky (Gammy Lopez). Ang dula ay nangyari sa loob ng bahay ng mga magulang (Sugus Legaspi & Roence Santos) at asawa (Tara Cabaero) ni Rocky. Sa loob ng bahay ni Rocky, sinusubukan nilang apat na mahanap si Rocky at ang laptop, at sa maikling panahon, naipakita ang epekto ni Rocky sa buhay ng bawat isa sa kanila, at ang konsepto ng salisi.
Mainam na mainam ang pag-cast kay JV Canta bilang Dory, kumbaga kabog niya yung karakter. Pero may pagkabata lang ang mukha nito para sa isang lalakeng nakaka bili na ng panandaliang aliw. Isa pa, tsempong tsempo sa mga punchline si Dory, at kitang kita mong dalang dala niya ang buong teatro. Iniisip ko na taga Laguna siya o ang karakter niya kasi ang lakas ng twang ng Laguna sa kanya. Pero yun nga, ang. bakla. niya. Nakakatuwa. Nakakatuwa din ang mga magulang ni Rocky gawa ng pagka kwela nila. Maraming mga panahong magiging sobrang bigat ng buong eksena pero kinaya pa rin nilang palambutin ito.
Subalit may maliit akong isyu sa asawa ni Rocky, weak ang mga entrance niya na magugulat ka na lamang na 'ay andun na pala siya sa stage.' Pati pala, at hindi lang siya kundi pati si Dory at iba pa ang sakop, may mga parte na nais ko sanang lagyan ng maiikling patlang. Kasi sayang yung emosyon na sana ay nasuspend kahit saglit na di ko na naramdaman ang emosyon na hinuhugot gawa ng pagka-stacatto ng buong dula. At ayun din, sana naging sensitibo sila sa audience kasi kahit na tumatawa yung audience na kay lakas, patuloy pa rin sila sa pag sasalita na di ko na sila marinig. Si Rocky pala ay nakakatuwa din sa pag arte.
Kasama ang lahat sa kanila, nakikita mo ang pagbago bago ng kanilang ugali dipende sa kung sino ang kausap nila. Ang ganda nag pag-expose nila sa human nature na iyon.
Sa sulat at direksyon, mainam ang ginamit na device (rotating panels) sa pagpapakita ng past at present, isang lugar sa isa, etc. Limitado nga ang espasyo pero nagamit pa rin ng lubos ang buong stage. Sa kwento, sana mas naintindihan ko ang rason kung bakit naging ganon si Rocky, at hindi lang dahil sa sabi ng tatay niya. Ang off kasi na meroong central antagonist na magiging hostile sa taong nagpakain sa buong pamilya niya. Di ko talaga maintindihan din ang rason ng pag-iwan ni Rocky ng laptop sa isang bag na dapat ay didespatchahin na niya. Di ko lubos na makita ang logic ng objective sa pag-"salisi" ng bag ng laptop at ni Rocky mismo. At kung nakalimutan nga niya ang laptop, bakit hindi siya bumalik agad.
Magaling ang cast at pati na rin ang set. Kelangan lang talagang saraduhin ang mga butas sa istorya.
SO SANGIBO A RANON NA
PIYATAY O SATIMAN A TADMAN
ni Rogelio Braga
sa Direksyon ni Riki Benedicto
Ang huling dula ay may mahabang titulo kung kaya't tatawagin ko na lamang itong Maratabat. Dahil sa ito ang laging sinasabi ng mga karakter nito at pati na rin, relatively ay mas maiksi ito. Hindi ko alam ang ibig sabihin nung mahabang titulo, hinanap ko na sa GOOGLE ay di ko pa rin mahanap. Pero ang Maratabat ay ang kwento ni Aling Ella (Roence Santos), isang titser na dati ay pokpok. Kinukwento niya sa mga kapitbahay niyang nagiinuman at nagpapractice ng kanta ang istorya ng isang babaeng si Stella (Mayen Estanero), isang pokpok na may nakasalubong na kalaguyo. Sa kanyang pagkwento, ninais ni Aling Ella na maibalik ang nakaraan at pati na rin mapawi ang masamang alaala nuong panahon ni Marcos.
Story-wise, parang nakita ko na yung format na ginamit sa dula. Tila hango ito sa The Reader na inartehan ni Kate Winslet. Kung saan ang past ay nagkukwento ng past na may tinatalakay na past. Andaming past nito. Pero sige, kunwari nga ay natuwa masyado yung mandudula dun sa format ng The Reader, may mga parte pa rin na butas at kelangan ng resolusyon, kahit na masyadong maliit. Tulad ng bakit kumakanta yung mga tambay.
Isa pa sa mga hinaing ko ay ang atake ng direktor sa istorya. May mga elemento kasi siyang ginamit na Brechtian o Impressionistic, pero ang mga aktor ay gumamit ng Realism sa kanilang pag poportray. Kung kaya na-punit ako kung magiisip ba ako o iiyak. Pero yun yung nais kong maintindihan sa direktor. Ano ba talaga yung script, gawa ba siya para makapag sabi ng hinaing sa lipunan (na yun nga ang nangyayari minsan), o makipagdalamhati kami kay Stella, na aping api. Yung tatay ba niya ay isang allusion? O sadyang malibog lang talaga? Maraming butas yung dula sa parte ng director na sana ay mas solid ang form o device na kanyang ginamit.
Higit sa lahat, di rin klaro yung set design tulad ng bulaklak sa gitna ng daan. Mahina ang eksplanasyon nila sa open forum: "simbulo ng mga karakter kasi dilaw ang suot ni Stella at pula naman si Ella". Pero ang kuha ko dun ay isang metaphor ang bulaklak sa kababaehan nila Stella at Ella na na-apektohan ng status ng kanilang ginagalawan, at ang mga ilaw bilang ang dulo ng daan, makikita kahit dilim, isang metaphor para sa Hope, na kung saan hanggang sa dulo ng dula ay umiilaw pa rin. Na kahit dinadaan-daanan at winawasak nilang dalawa ang mga bulaklak gamit ang sarili nilang mga paa, may pag-asa pa rin sa dulo, kung kaya't bago mag telon ay makikita nating pinipilit ni Stella na ayusin ang mga bulaklak. Eto ang rason kung bakit take ko sa lahat ay isa itong feminist play, ngunit hindi pala. Muslim exposition pala ito. Kaguluhan sa mga metapor na gamit o pagkalamya ng akting nung rapist ni Stella. Gawd, that was dreadful acting. O diba napa-ingles ako. O pwede ring Brechtian yung acting nung lalake, pero Realist si Stella. In which case, haggard sa conflicting acting form.
Isang misteryo sa akin kung bakit may mga taong naluha sa teatro habang pinapanood ang Maratabat, e ito na ata ang isa sa mga pinaka magulong dula na napanood ko, in terms of direction and aesthetics. Pero in a good note, may puso ang dulang ito. At lahat ay nag sisimula sa puso.
PANGKALAHATAN
Maraming baguhan sa Philippine Theater na nakita ko sa Virgin Labfest 5 na promising tulad ni JV Canta at Gammy Lopez. Sinasabayan nga naman ng artista ang obra, parehas na bago. Para sa akin, marami pang butas ang mga dula tulad ng pag-debelop ng mga karakter at ang pagkapulido ng direksyon.
Ang maganda sa VLF ay isa itong festival sa paglilikha ng mga bago. Kumbaga sa ingles, RAW. Kakagaling pa lang sa utak ng mga manunulat, bagong panganak. At nakakatuwa na cinecelebrate natin ang mga ito. At dapat lang, kasi ang lahat ng bago ay may puso. At sabi ko nga, ang lahat ay nagsisimula sa puso. Di na ako makapaghintay para sa susunod na taon. Nawa'y makapag-audition ako. Pwede na ata ako mag sabbatical. Haha.
Magandang gabi!
Rating: 8 of 10 stars.
Iba pang critique dito.
Hi, Proleartist!
ReplyDeleteMaraming, maraming salamat sa 'yong rebyu.
Kinati lang akong sagutin ang ilang mga punto:
Sabi Mo: "May pagkabata lang ang mukha (ni Dory) para sa isang lalakeng nakaka bili na ng panandaliang aliw."
Sabi Ko: Sinadya 'to. 'Yon kasi ang gusto naming sabihin o palutangin. Bumabata na ang bumibili ng panandaliang aliw. Masaklap pero totoo.
Sabi Mo: "May maliit akong isyu sa asawa ni Rocky, weak ang mga entrance niya na magugulat ka na lamang na 'ay andun na pala siya sa stage."
Sabi Ko: Sinadya 'yon. Kasi, sa bahay na 'yon, literally at figuratively, walang pumapansin o nakikinig kay Mimi, lumabas o sumingit man s'ya sa eksena.
Sabi Mo: "May mga parte na nais ko sanang lagyan ng maiikling patlang. Kasi sayang yung emosyon na sana ay nasuspend kahit saglit na di ko na naramdaman ang emosyon na hinuhugot gawa ng pagka-stacatto ng buong dula."
Sabi Ko: "Gusto rin namin pero lalawlaw ang dula. Lalagpas kami sa limit, 35-40 minuto daw dapat. Masunurin kami, e. Pasens’ya na."
Sabi Mo: "Sana naging sensitibo sila sa audience kasi kahit na tumatawa yung audience na kay lakas, patuloy pa rin sila sa pag sasalita na di ko na sila marinig."
Sabi Ko: Sinadya 'to. Sa paninimbang kasi namin, hindi nagpapatawa ang mga tauhan. Nakakatawa lang ang sitwasyon nila. 'Di pa rin kami tapos sa debate kung comedy ba o drama ang dula. Compromise ang napanood mo. He, he. Meaning, drama na nakakatawa.
Sabi Mo: "Kasama ang lahat sa kanila, nakikita mo ang pagbago bago ng kanilang ugali dipende sa kung sino ang kausap nila. Ang ganda nag pag-expose nila sa human nature na iyon."
Sabi Ko: Salamat. 'Yon ang isa sa mga punto ng dula. ‘Yon talaga ang nilaro ko.
Sabi Mo: "Sana mas naintindihan ko ang rason kung bakit naging ganon si Rocky, at hindi lang dahil sa sabi ng tatay niya. Ang off kasi na meroong central antagonist na magiging hostile sa taong nagpakain sa buong pamilya niya."
Sabi Ko: Dahil sa time limit, pumayag akong tanggalin ang yunit o eksena kung saan makikita ni Mimi kung gaano ka-inlove si Rocky kay Saddam. Na gagawin ni Rocky ang lahat, lumigaya lang sila. Naisip ko, in between lines, lalabas naman kung ano si Saddam kay Rocky.
Sabi Mo: "'Di ko talaga maintindihan din ang rason ng pag-iwan ni Rocky ng laptop sa isang bag na dapat ay didespatchahin na n'ya. Di ko lubos na makita ang logic ng objective sa pag-"salisi" ng bag ng laptop at ni Rocky mismo. At kung nakalimutan nga niya ang laptop, bakit hindi siya bumalik agad."
Sabi Ko: Time limit ulit. Pumayag akong tanggalin ang pag-uusap ni Saddam at ni Rocky. Kinumbinsi ni Saddam si Rocky na 'magpalamig' muna. Dahil 'di naman sila 'magnanakaw' talaga, 'di nila alam kung saan o paano didispatsahin ang lap top. Tinanggal ko rin ‘yong noong umuwi sila sa bahay, lihim pala silang pinakikinggan ni Mimi. Napalitan ang lahat nang ‘yon ng linya ni Mimi, “Opo, umuwi si Rocky kanina pero umalis din agad.”
Sabi Mo: "Kelangan lang talagang saraduhin ang mga butas sa istorya."
Sabi Ko: Pangarap ko rin 'yan pero collaboration ang Virgin Labfest. Hindi lang ako ang masusunod. Sa huli, mapupuri o malalait kami dahil sa mga napagkasunduan namin. Masaya kasi 'yon talaga ang katuturan ng buhay sa teatro. Kumplikado. Naisip ko rin, baka hindi maganda na sarado ang lahat ng butas. Baka hindi makahinga ang manonood.
Kita tayo sa susunod na taon, ha. Salamat din sa pagpansin kay Dory (JV Canta) at Rocky (Gammy Lopez). Pinili namin sila kasi "sila" 'yong "sila". Mahirap sumugal sa mga bagito pero tumaya kami nang todo. Mabuti na lang kumabig kami kahit na papaano.
Ayun. Audition ka. Malay natin.
J. Dennis C. Teodosio
Maraming salamat po sa inyong reply, G. Teodisio! Nawa'y nakatulong po ang aming critique sa lalong pagpapaganda ng inyong dula po.
ReplyDeleteMabuhay!
Congratulations dude! :)
ReplyDeleteSalamat! :)
ReplyDeleteehem. more reviews? :)
ReplyDeleteHaha. Yep, may bagong review about sa Noli Fili Dekada 2000 ^_^
ReplyDelete