Simula ngayon, may dalawa na po tayong manunulat dito sa Proletartist para makapag-hatid ng maiinam na rebyu o kritisismo sa mga dulang pinanood at papanoorin namin. Ang isa ay ang inyong lingkod, isang programmer na nagtatrabaho sa isang kumpanya sa Makati. At ang bago ay si mumblingmaya , isang manunulat na nagtatrabaho sa Libis. Kung minsan ay sabay kaming manood ng mga dula, sa mga ganitong pagkakataon, maaaring parehas kaming mag bigay ng rebyu sa dulang iyon, basta magsusulat kami ng mga pananaw sa mga napanood naming mga dula.
Kamakailan lamang ay nakapanood kami ni mumblingmaya ng Noli At Fili Dekada 2000 ng PETA. Ang nasabing dula ay isang kontemporaryong bersyon ng mga obra ni Jose Rizal. Ang mga karakter at tema ay parehas din, maliban na lamang sa iilang tauhan tulad ni Salvi na sa bersyon ng PETA ay isa nang colonel.
NOLI AT FILI DEKADA 2000
ni Nicanor Tiongson
sa direksyon ni Soxie Topacio
Nakakatuwa at na-tsempo ulit na Sabado ang unang pagpapalabas ng Noli at Fili Dekada 2000. Kasama ko si mumblingmaya sa pagpapanood gawa ng miss na namin ang teatro, at ako'y isang manghahanga ng PETA. Marami nang magandang produkto ang PETA, at sa lahat ng iyon, maganda din ang hangarin ng nasabing grupo. Kaya nama'y kahit na may konting ulan, diretso kami sa 3PM na palabas.
Synopsis
Mula sa PinoyCentric.com:
Kung ginawa ngayon ni Jose Rizal ang kanyang dalawang nobela ngayon, ano kayang isyu ang kanyang ipapakita? Sa modernong lipuna, sino kaya si Ibarra at Maria Clara? Sino kaya ang kaparehas ng mga kontra-bidang sina Padre Salvi at Padre Damaso, at ang mga tauhang sila Elias, Pilosopong Tasyo, Basilio, Isagani, at Padre Florentino? Ang kanyang ikalawang nobela kaya ay magtatapos sa paraang nag tapos ito noong isinulat niya ang El Fili noong 1891?
Ang Noli at Fili Dekada 2000 ay nakapwesto sa isang maliit na munisipyo ng Maypajo sa probinsya ng San Lorenzo sa may Katagalugan kung saan ang isang ideyalistiko pero bata pang si Ibarra Marasigan, isang bagong halal na mayor, ay nagdesisyong tapusin na ang pag-totroso sa Sierra Madre. Nakahanap siya ng tapat na suporta mula kina Padre Ino, isang pari sa Parokya ng Maypajo, G. Atanacio, ang prinsipal sa Maypajo Highschool, Kapitan Badong, ang chief ng lahat ng barangay chairman sa Maypajo, at, higit sa lahat, ni Clarissa Santos, ang kanyang kababata at ngayon ay aasawahin.
Pero, habang maraming ginawang hakbang si Ibarra laban sa ilegal na pagtotroso, may mga natuklasan siyang isang napakalalim na korapsyon, na dinadamay ang kanyang magiging manugang na si Gov. Santiago Santos, ang Command Colonel Salvador Salvatierra, at Monsignor Damaso, ang bishop sa bagong diocese ng San Lorenzo. Sa kinalaunan, gawa ng mga ito, natanggal si Mayor Ibarra gawa ng "people power," na-blackmail si Clarissa para pakasalan si Salvi, at ang kanyang kababatang kaibigan na si Kumander Elias ng National Liberation Army (NLA) ay namatay habang nililigtas si Ibarra mula sa kulungan.
Mas detalyadong synopsis dito.
Istorya
Nagbukas ang entablado sa isang delubyo. Hindi delubyo mula sa produksyon, o kwento, o pag-arte ng kahit sino man. Delubyo sa entablado. May bagyo. May baha. Totoong bagyo. At mga tao na nalulunod. May nanay na namatayan ng sanggol, may lalakeng nalunod ang kapatid, may lolo na di na humihinga. Ngunit ang pag presenta nila sa mga premise ng kwento ay isang oratoryo. Oratoryo habang dinedelubyo. At dun pa lang, may hinala na ako sa kwentong matutunghayan, at bigla akong na-excite.
Shakespearean ito mga kapatid.
Malamang sa malamang ay mali ako o isang asumerang palaka. Pero yun yung nadama ko sa buong dula. Kaya kahit na nagiging melodramatic na ang ilang mga eksena (Aba'y nakulung na nga't biglang mamamatay ang sinta. Haha. Sikret na lang kung sino yun, unless memoryado niyo ang Noli at Fili), na-aappreciate ko. Kasi nga, ma-layer ang isang istoryang ganon ang nature. At ang ganda ng pagkatagpi-tagpi ng buong istorya.
Kaya ko naman nasabing Shakespearean ang kwento ay dahil sa mga elementong ginamit ng manunulat: Ang oratoryo sa simula; mga dayalogong mas mainam na naka-address sa mga manunuod; multi-layered na plot; nakakapang-edge-of-the-seat action sequences; at ang mala-oratoryong pagtatapos. Di ako nag-rereklamo dito, malayo pa sa pagrereklamo, kundi pumapalakpak pa ako sa buong konsepto nag-pagkakontemporaryong Shakespeare ng dula.
Maganda ang daloy, maayos ang karakter development ng mga tauhan. Maganda ang pagpalit ng trabaho ni Padre Salvi -> Colonel Salvi (Robert Seña), mas nagkaroon ng lohika yung karakter. At mas mainam sa lipunan natin ngayon.
Kung meron man akong nais idagdag o bawasan, ito ay yung kakulangan ng foil sa buong istorya. Tila malalim at mabigat ang nais ipahiwatig ng istorya, pero yun nga, kulang sa foil. Isa pa rito ay yung may pagka-hardsell na leftist ang istorya. Wala akong reklamo sa leftist ideologies ng dula per se, pero kung mas maipapahiwatig mo iyon ng mas bago, mas maganda. Kasi tila gasgas na ang subversibong retorikang ginamit sa kanilang mga dayalogo.
Direksyon
Isa lang masasabi ko. Gamay na gamay ni Soxie Topacio ang konsepto ng build up. Ang husay husay ng pagkatagpi tagpi ng mga eksena. Nagawa ng maige ang pag-build up ng buong kwento, at na-angkin niya ang atensyon ng buong manunuod sa dula. Naririnig ko sa buong show ang mga hiyaw at tili ng mga tao sa mga panahong nag babarilan o kaya naman may nag aaway na malapit nang mamatay. May naririnig akong umiiyak gawa ng madamdaming eksena nila Ibarra at Clarissa (Ma. Clara).
Mainam din ang disesyong gawing thrust ang buong entablado. Nagkakaroon ng depth ang buong istorya, pati na rin ang paghati hati ng dimensyon ng isang lugar. Klaro ang paglalaro sa espasyo at sa bawat set. Pagdating sa blocking, parang pumipinta ng magandang painting si G. Topacio.
Naguluhan nga lang ako sa puntong papasabugin na ni Simone ang kasalan (Oh wag ireklamong spoiler! Alam naman nating lahat na papasabugin ni Simone ang kasal ng irog ni Isagani! haha). Tila malabo, at magulo ang entablado at hindi excuse na magulo nga naman ang pagpapasabog, kasi tila di alam nung mga tauhan yung gagawin nila.
Isa pang hinaing ko ay yung pagka-illogical nung mga action-sequence. Parang sloppy ang pagkaka-ayos at kelangan pa ng mas matinding pagpupulido, mas snappy. Kasi parang hindi trained fighters yung mga sundalong andun. Parang mga artistang umaarteng sundalo.
Artista
Sa mga artista, binunbod ng mga batikang artista ang dula. Na naramdaman kong parang dinaya ko ang PETA kasi 300php lang ang binayad ko. Dapat mga libo talaga, base lang sa mga artista. Sinong di mamamangha sa pagka-cast kay Bembol Roco, Robert Seña (Miss Saigon), John Deocareza, Lex Marcos, Julia Enriquez, Joel Molina, Bodjie Pascua at iba pa.
Mainam ang pagkaka cast sa mga karakter. Ang performance ni Robert Seña bilang Colonel Salvi ay maituturing na henyo. Ang galing ng pag depict niya sa isang abusive na asawa, at isang corrupt na opisyal.
Nakakatuwa pa nga kasi may special guest ang dula. Di ko sasabihin kung sino, pero nakakatuwa at lumabas siya. Mainam na parody.
Ang tanging hinaing ko lang ay yung pagkakulang sa development ni Crisostomo Ibarra. Di ko masyadong nakita ang development ng karakter niya. Lalo na yung pagkawala niya ng tiwala sa sistema (bago siya iligtas ni Elias sa kulungan). Kaya di ko alam yung naging motibo niya ng pagsali sa NLA.
Disenyo
Maganda yung entablado. Napaka... strategic, kasi ansayang paglaruan ng dimensyon ng entablado. Sa isang minuto ito ay isang poshparty, biglang magiging talahiban na may mga sundalong nanghahabol ng gerilya.
Pangkalahatan
Natuwa ako at na-experience ko ang Filipino take sa Shakespearean theater. Ang sarap ng pagkakaayos ng lahat, lohikal at swabe ang plot. Swabe na kahit na patong patong ang conflict at complications na kay dami dami, nakukuha pa rin ng audience, at may saysay ang bawat eksena.
Ang galing ng pagkatagpi tagpi ng dula, isang talentong nakukuha lamang sa tindi ng karanasan tulad ng kay Soxie Topacio.
Pero ang isang masasabi kong nagpa-bighani sa akin sa buong dula ay yung pagiging definitively PETA nito: original, collaborative, at substantial.
Di na ko makapaghintay sa susunod nilang produksyon. May auditions daw sila ah. Sana kaya ng schedule ko. Isang malaking goodluck. Magandang gabi!
8.5 out of 10 stars.
Ayun, para sa mga nais manood, ang ticket ay 300PHP lamang, at ito ay tatakbo mula Hulyo 18 hangang Agosto 24, tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo, 10am at 3pm. Para sa ibang impormasyon tumawag sa 725-6244, 410-0821, 0917-8154567, 0917-5642433, o mag-email sa petampro@yahoo.com. Iba pang impormasyon dito.
yung musikal ni hindi man lang binanggit ang pamagat, samantalang napakaganda sa pandinig..
ReplyDelete