Sunday, July 19, 2009

Isang Reading ng Dulang Noli at Fili 2000

Mainam na nagkataong malakas ang ulan pagpunta namin sa PETA. Mainam din na kasabay naming manood ay mga estudyanteng required. (Nung bumili ako ng ticket, tinanong ako kung saang unibersidad o eskwelahan ako galing. Sabi ko, wala lang, walk-in.)

Mistulan ding isang modern adaptation ng mga nobela ni Jose Rizal ang dula. Nais kong bigyang diin ang salitang "din". Nagsimula ang dula sa isang unos, na sa Noli Me Tangere ay syang huling pangyayari na binuild-up kasabay ng unos sa buhay ng mga bida nito. Batay sa ibang mga blogger ay batay din ang dula sa isang totoo at malalang unos noong 2002.

Isang malaking "what if" sa characterization ng dula. What if sa panahon natin nabuhay si Ibarra? Saan sya mag-aaral ng kolehiyo? Angkop naman na kung nabuhay ngayon si Elias ay mamumundok sya. Nakakaintrigang isipin kung bakit naging isang bruskong sundalo si Salvi sa bersyong ito. Dahil na rin sa panahong ito, mas malinaw na kalaban ng taumbayan ang administrasyon at ang mga sundalo nito kaysa sa simbahan.

Medyo naging telling ang dula lalo na noong huling mga eksena kung saan sinabi ni Ibarra na mamatay syang parang si Rizal at si Elias ay maitutulad kay Bonifacio. Kung gayong kilala ng uniberso ng dula ang may akda ng nobela, kilala din nila ang nobela at na sila rin ay gaya ng mga tauhan dito.

Magaling ang pagtatanghal. Maganda ang props at set design, lalo na noong unang eksena kung saan may bagyo. Mapapapakapit ka rin sa upuan dahil sa aksyon. Maraming barilan na makokotahanan. Para ka ngang nadamay sa isang aktwal na shoot-out o kaya'y nanood ng mga 90's action films nang 3D. Kasali na rin dun ang mga dialogo at delivery na sumasaysaw sa gitna ng cliche at iconic gaya ng "Lintik lang ang walang ganti!!!".

Magaling ang mga aktor. Lahat sila. Lalo na dahil sa karamihan sa kanila ay gumanap sa 2 o 3ng mga karakter na malaki ang pagkakaiba mula sa isa't-isa. Malalaman mo nalang sa dulo ng dula na sila rin pala ang gumanap sa karakter na iyon o sa karakter na ito.

Naglaro din ang dula sa paghahalo ng ibang medium gaya ng video. Mainam ang mga ganito upang makalikha ng bago mula sa mga nagdaan nang konsepto at paraan. May ilang bahagi lamang na parang masyadong nang nakasentro ang eksena sa video gaya nang pagtatanghal ng mga estudyante ni Mr. Tacio. Naging manonood na rin lang ang mga karakter sa dula at ang video mismo ay masyadong maganda para masabing gawa ng mga studyante. Isa pa, mataas ang video at masakit sa leeg tumingala.

Gayunpaman, malinaw ang mensahe ng dula at nagtagumpay ang execution nito mula sa pagiging modernong text na base sa dalawang nobelang sinasabing nagsimula ng diskurso ng iba pang nobela sa bansa hanggang sa pagiging isang buhay na pagtatanghal ngayon.

2 comments: