ni V
Muli, ipepresent ko via bullets ang aking mga saloobin.
1. Masyadong malaki ang entablado. Kitang-kitang may pera ang DUP upang makagawa ng ganung uri ng set ngunit lubhang naging malaki ito para sa dula. Binigyang kahulugan ng dulang Lulu ang terminong underutilized. Bagamat maraming passages sa entablado kung saan sumusulpot na lamang bigla ang iba't ibang props, maging mga artista, nais kong ipoint out na hindi ito naging consistent. Sa unang Act ng dula ay nagmistulang blanko ang entablado. May paminsan-minsang gimik ngunit masyadong bitin. May mga bahaging sumusulpot ang Ring Master sa ilang bahagi ng stage ngunit di ito naging consistent. Kulang kung baga.
2. Wala silang konsepto ng maayos na ilaw. Nagmukhang kinailangan lang na ilawan para lang masabing nailawan. Nagmistulang "indie film" sya o naghari ang kadiliman sa palabas. May mga pagkakataong nais ko nang tumayo sa aking upuan at maglagay ng emergency light sa gitna ng entablado upang makita ko lamang ang mga artista. Na isang dahilan para isulat ko ang no. 3
3. Sabog kung sabog ang blocking. Dahil nga sa di matinong ilaw, umasa akong maisasalba ito ng blocking. Naniniwala akong kayang iligtas ng matinding blocking ang isang dula kahit pa 4 na par 64 lang ang gamit nila. Ngunit ang kakulangan sa technical ay lalong pinalubha ng blockings. Kitang-kita na malaki ang entablado at di nakasipat ang ilaw. Masyadong naging magalaw ang mga artista upang ma-utilize lang ang space. May mga scene na masyadong off tulad nung bahaging may inilabas na dresser. Masyado syang downstage at nakakasilaw ang ilaw. Mukhang lahat ng ilaw na dapat sana ay inilaan sa palabas ay napunta lang doon sa dresser. Di rin naman nagamit ang dresser ng mabuti. 90% of the time ay nandun lang iyon upang magset ng mood na nasa dressing room. Nagamit lang ito ni Tuxqs noong nananalamin sya at napatoon sya kung saan naging epektibo naman ang paggamit ng reflection. Naging masyadong nakakasakit sa mata ang ilaw ng dresser na di na naappreciate ng manonood ang layunin ng direktor.
4. Maraming Unnecessary gimmicks. Nandyan na yung net, mga lobo, paglabas ng Ring Master sa kung saan-saang lugar, mga tali, at ang mga entry points sa entablado. Dahil nga sa hindi namaintain na ganun kaquirky ang dula, naging off ang mga gimmicks na ito. Yung lobo ay nahulog lang sa isang specific na bahagi ng audience, di pa sa gitna at kitang-kita pa yung mga black bags na pinaglagyan ng mga lobo. Nagdulot din ito ng maraming pagputok bago pa man ito ihulog o kailanganin ng dula na naging isang giveaway na hindi naging careful ang mga staff nito. Ang masasabi ko lang na gimmick na nagustuhan ko ay yung swing. Napagkagiven man ng purpose nito ay naging epektibo naman ito kumpara sa iba pang mga gimmick na naging kalunoslunos ang kinalabasan.
5. Flat ang dula. Naging flat line ang dula mula sa umpisa dahil sinimulan na kaagad nila ito ng mataas. Nagsimula sila kaagad sa galit at pagtataray. Dahil dito, di na nabigyan ng pagkakataon ang dula na maggraph or mag-elevate. Naging isang malaking plateau ang kwento. Di na tuloy nabigyan rin nagpagkakataon na bumaba pa ang mga moments ni Lulu. Lahat ay flat. Lahat galit. Lahat tarayan. Walang downtime. Lahat bara-bara.
6. Walang lalim ang mga karakter. Hindi sila mga tao. Lahat sila ay alam mong karakter ng isang mundong hindi totoo. Tulad ng nabanggit ko, lahat sila ay flat kaya naman hindi na nagdevelop ang mga karakter. Mukhang kulang sa understanding ng characters ang mga artista, mukhang walang guidance na dapat magsilbing pising mabigyan ang koneksyon sa bawat karakter ng dula. Bawat aktor ay may sariling mundo at maaaring bumuo ng kanyang sariling kwento. Walang sense of unity ika nga.
7. Tila hubaran ang naging crucial point ng dula bagamat ito'y di naman kailangan. Nagmukhang selling point ng dula ay ang unnecessary nudity at homosexuality. Mukhang freshmen lang ang naging target market nila. Naniniwala ako na ang ang paghuhubad sa entablado ay dapat lamang gawin kung ito ay kinakailangan. Sa kaso ng Lulu, hindi ko naramdaman na dapat may maghubad dahil hindi naman ako kinundisyon ng dula sa ganitong kaganapan. Hindi ko naramdamang sinasabi sa dula na ito ay necessary. Kung iisipin, maaari itong ipresent ng walang nagpapakita ng laman. Hindi ko mahanapan ng justice kung bakit kailangang maghubad si Andoy at Tuxqs. Maaari nating gawan ng dahilan ngunit ang hinahanap ko ay isang malalim at malinaw na dahilan. Yung tipong dahilan kung bakit naghubad si Kate Winslet sa The Reader o di kaya'y paghuhubad ni James Cameron Mitchell sa huling bahagi ng Hedwig and the Angry Inch. Masyadong hilaw ang karakter ni Andoy upang umasta ng ganun at di ko rin maintindihan kung bakit kailangan maghubad si tuxqs sa kaduluduluhan.
8. Dahil hilaw ang mga karakter , nagmukhang hilaw rin ang pag-arte. Alam kong magagaling ang mga artista sa Lulu ngunit di nabigyan ng pagkakataon ng dula na ipamalas ang kanilang taglay na kagalingan. Si JC Santos na siguro ang isa sa mga may matinong pagganap sa kadahilanang may nakita naman akong development ng karakter nya, bitin man, kailangan pa rin itong pansinin dahil sa iilan na lang naman ang maaaring purihin sa dula. Si Jojit Lorenzo naman at Andoy Ranay naging consistent rin in terms of energy ang stage presence. Si Andoy Ranay na siguro ang pinakapaborito ko sa dulang ito. Naibalik nya ang ngiti sa aking labi sa kabila nang kaawaawang execution ng palabas at naantig nya rin ako kahit papaano sa bahaging nagmamakaawa na sya kay Lulu. Medyo sablay nga lang sya sa mga huling bahagi kung saan dapat sana'y sugatan sya ngunit nakatayo pa rin sya na tila walang gasgas na natamo. Si Michael Ian Lomongo naman ay nagfade na lang basta sa entablado. Si Acey Aguilar naman ay nagmistulang kaawa-awang pangitain sa entablado. Mukhang nacast sya dahil lamang sa tinatawag nating face value. Nahihirapan ako sa kanyang pagsasalita na tila naninikip ang dibdib ko at gusto ko na lamang basahin ang mga linya para sa kanya. Epektibo man sya sa bahaging may sayawan, kung sa pag-arte lamang ang pag-uusapan ay di lang sya basta tagilid, napataob na siguro nya ang bangka.
9. Ang tanging naenjoy ko sa dula ay yung dance sequence. Marahil epekto na rin ito nang pagiging isang choreographer ni Dexter Santos. Di ko maikakaila na humanga ako sa ginawa nyang choreography sa The Threepenny Opera at natuwa rin ako sa dance sequence sa Lulu. Ngunit bilang isang direktor? Sa ipinakita nya ay masasabi kong hindi pa talaga sya handa. Oo, may mga moments of beauty pero as a whole sabog kung sabog. Halatang maraming thoughts na gustong ipasok ngunit hindi naorganize ng mabuti. Ito ang karaniwang kasalanan ng mga baguhang direktor, naeexcite sa isang specific na scene kaya naiisang tabi ang kaubuuan ng dula.
10. At para naman kay Tuxqs Rutaquio na nagbigay buhay kay Lulu, nais kong ipahawatig na wala na akong maisip pang artista na bababagay sa role kundi sya. Alam kong magaling syang artista at alam kong kaya niyang bigyang hustisya ang karakter na Lulu ngunit sa aking napanood, mukhang nalunod na lang basta si Lulu sa kasungitan at init ng ulo. Pakiramdam ko'y di sya nagabayan ng maayos ng direktor na naging isang malaking kasayangan. Naniniwala akong kahit gaano pa galing ang artista basta kulang sa direksyon ay di pa rin ito sapat upang makabuo ng isang di malilimutang pagtatanghal. Di ko nakita kung bakit halinang-halina ang mga lalaki sa kanya, di ko naramdaman ang oozing sexuality na maaaring magpalibog sa mga kalalakihan sa isang sulyap lang sa kanya, hindi ko rin mahanap sa aking sarili na makisimpatya sa kanya noong panahon ng kanyang pagbagsak. Hindi nya ako naantig, hindi ako nahalina, hindi ako nagbigay ni isang patak ng pakialam. Ang alam ko lang ay nasa entablado sya, nagbayad ako ng Php200, di ko nga masikmura ang palabas ngunit di ako makaalis dahil sa may mga kasama ako at bilang respeto na rin sa mga kapwa ko alagad ng sining na naghirap upang mabuo ang produksyong ito. Di ko man nagustuhan ang palabas, may delicadeza pa rin naman ako.
Bilang kabuuan ng aking review, nais ko lang ulitin na maaari pa sanang pagandahin ang dulang Lulu kung hindi lang masyadong nagbank ang produksyon sa shock value na makukuha nito sa pagbibilad ng mga hubad na katawan sa publiko. Maaari ko ring ikumpara ito sa mga baguhang Indie films kung saan walang konsepto nang ilaw, tungkol sa kahirapan, homosekswalidad, prostitusyon ang mga karaniwang paksa, at may walang pakundangang hubaran.
Bagamat meron pa rin naman itong saving grace kahit na naging tunay na kalunoslunos ang nasabing presentasyon, bibigyan ko ang Lulu ng rating na
I / V
No comments:
Post a Comment